Essays Issue 4

   Issue 4: January - June 2005

Mesandel Virtusio Arguelles


Pilas ng Papel

Skylab

                                               

         1.

                                1              Patuloy ang bulusok ng makina.

                                2              Ang labi ng lumipas na ligaw ang landas.

                                3              Sabik tulad ng nagbabalik.

 

                                4              Habang patuloy ang hatak ng grabedad

                                5              sa haba ng abang.

 

                                6              Madarama ang kaba sa hangin.

                                7              Ang puwersa ng paparating.

 

                                8              Ngunit malaon nang bumagsak sa dagat

                                9              ang amba ng magsasabog ng lagim.

 

                                10            Ano pa ang titingalain?

 

                                11            Ipaliwanag ito kay Sulpicio Mangali

                                12            na maya’t mayang tinatanaw

                                13            ang nananatiling banta ng langit.

 

                                14            Sa dulo ng kanyang dila, ang urong

                                15            ng mga salitang nakadungaw sa bangin.

 

 

 

         2.

 

                                16            Sa hugong ng eroplano

                                17                            patakbo siyang tutungo

                                18            habang may sunong na sako

                                19                            sa yungib ng San Isidro

 

 

         3.

 

                                20            May bigat na nakabitin sa alangaang.

 

                                21            Sa pagitan, ang malawak na patlang

                                22            ng paghihintay ng bumbunang di alam

                                23            kung saan ang kaligtasang susuotan.

 

                                24            Mapalad ka sa tamang oras at panahon.

 

 

                                             4.

                                25            At isisigaw ko sa kawalan:

                                26            Isang tula!  Isang tula!

                                27            Pilas ng papel na walang makapitan.

 

 

 

Disyembre 2001 nang makakuha ako ng Morpo, ang sumunod na aklat ng tula ni Allan Popa pagkaraan ng kaniyang Hunos

 

Bago ko naengkuwentro ang mga akda ni Popa, binabasa ko na ang mga akda ng ilan sa kontemporanyong makata sa Filipino.  Taong 1998 kasi nang magsimula akong ‘ika nga’y magseryoso sa pagbabasa at pagtatangkang magsulat ng tula.  Hindi ko masasabing hindi naging mahirap ang pagbabasa ko sa mga kontemporanyong akda.  Bagama’t masarap din.  Mahirap na masarap. 

 

Mahirap, sapagkat, una, hindi naman ako edukado sa pagbasa ng panitikan.  Ang ibig kong sabihin, hindi ako nag-aral ng ano mang kurso hinggil sa panitikan ni nakapagbasa nang mas maaga ng mga tula liban sa ilang nabasa ko noong nasa high school at nasa mga unang taon sa kolehiyo.  Ikalawa, o maaaring ang unang dahilan, talagang may kahirapan ang kontemporanyong panulaan lalo pa’t para sa bagitong gaya ko. 

 

Sa madaling salita, wala akong sapat na kakayahan noon.  Hindi ko sinasabing mayroon na akong sapat na kakayahan ngayon—kailangan ko lamang gamitin ang “sapat” at “noon” upang maalwang mailugar ang sarili sa tinatayang pag-unlad ayon sa saklaw ng dumaang panahon—sa pagharap sa tula.  Ang alam ko, ang katiting na mayroon ako ay panggagap at tainga sa wika.  Bentaha ko siguro bilang tagaprobinsiya.  Lumaki ako sa Quezon.  Bagama’t hindi rin ito panlahat na atribusyon sa mga tagalalawigan.  Marami ring “promdi” ang walang alam sa wika at may mga tagalungsod namang halos dalubhasa rito.  Gayon man, ang bentahang ito, ayon madalas sa aking pandinig, ang nagdudulot ng linamnam sa pagbabasa ko ng mga tula.  Gaano man kahirap ang tula para sa aking pagbasa, napaiiral ko ang ritmo nito sa aking pandinig at kahit paano’y nahihiwatigan ko ang mga  nakapaloob na kahulugan sa mga talinghaga at salimuot sa mga bisa ng iba pang poetikong aparato.

 

Ngunit iba ang karanasan ko pagdating sa Morpo ni Popa.  Sa harap ng kaniyang mga tula, wari’y biglang nawala ultimo ang katiting kong bentaha.  Bigla’y nasa harap ko ang mga tulang wala akong karenda-renda.  Bigla’y ipinamamalay sa aking malaya ang mga salita!  Tila wala akong masulingan habang tumatangging magpaamo sa harap ko ang tula, sa pahina.  Wala akong magawa kung hindi mapanganga at matigilan.  Sa buong magdamag, binasa ko ang buong aklat.  Bakit iba ang mga tulang ito?  Mula sa una hanggang sa dulong tula, hindi ko  nasagot ang tanong.  Basta ang pakiramdam ko, nabago ako para ulit-ulitin ang gayong tanong sa sarili. 

 

Para ulit-ulitin ang tanong, na ano pa’t hindi lamang “Bakit iba ang tulang ito?” ang kagyat kong maituturing na isa sa mga kapangyarihan ng mga tula sa Morpo.   Ang hibo na hindi nagbibigay ng mga sagot.  Bumubulong lamang o akmang nagsasalita—ngunit nagsasalita nga.  Halos idinidikit ko ang aking tainga sa pahina upang makaulinig.  Hindi ko narinig o parang narinig ko.  Nakalagpas sa akin at kailangan kong bumalik para sa bagong sasabihin—bago sapagkat uulitin—ang pag-uulit na hindi repetisyon lamang ng nasabi na ngunit ang muling pagsasaakto ng mga salita higit sa maaaring panibago pa nitong masabi  sa kahulugan, sa saysay. 

 

Sa mga tula sa Morpo ay pinagsasalita ang mga salita.  Waring walang kontrol ang makata sa kagustuhan ng lengguwahe.  Ang “pagpapasalita” sa salita ay hindi nagsasaad ng manipulasyon o paghahawak sa salita bagkus ang “pagpapasalita” ay isang pagpaparaya/pagpapalaya ng makata sa salita.  Kahit pa nga sa isang banda’y hindi rin naman ganap na pagpaparaya/pagpapalaya—paradoha mismo, kung gayon—sa salita kung sa simula pa’y wala ngang magagawa ang makata sa kapangyarihan ng salita.  Gayon man, ang resulta ng ganitong pagpaparaya/pagpapalaya ay mga tulang “nahahawakan” at “napanghahawakan” ang mga salita na maparikalang bumubuo sa mga piraso ng  salita, parirala, pangungusap, patlang, puwang, pagitan, espasyo sa pahina.

 

 

2.

               

Ang lengguwahe ang nagsasalita.  Ang tula na binubuo ng mga salita at mga puwang, kung gayon, ang nagsasalita.  Ang tula ang nagsasalita at ang tula rin ang sinasabi o ipinahahayag.  Nagkakaroon ng kaganapan ang pagsasalita ng salita/tula sa mismong ipinahayag nito.  Bagama’t hindi rin dito nagtatapos ang pagsasalita ng salita/tula.  Manapa’y pinananatili ng nasabi/ipinahayag ang pagsasalita ng salita/tula.  Halos ganito ang tesis ng pilosopong si Martin Heidegger.  Ganito rin wari ang ipinaririnig ng “Skylab” ni Allan Popa.      (Tingnan ang tula.)

 

Sa bungad pa lamang, agad na nagpapasok ang tula, at waring agad ngang nasa loob ng bukana ng tula ang mambabasa. Nasa loob ng inilalarawang nangyayari hanggang sa sandaling yaon bagama’t ang pangyayari ay maaaring hindi sa talos na daigdig kung hindi sa daigdig na ipinamamalay ng tula sa pahina—daigdig na hindi saklaw ng “panahon” at “espasyo” liban sa ngayon at dito na lagi’t laging dapat iniiralan ng tula—kung ang tula ay magiging buháy, aktibo.

 

Napakabilis wari ng pangyayari.  Ang pagpapapasok/pagkapasok ng mambabasa sa loob ng bukana (loob ng bukana, sapagkat ipinalalagay na may kaloob-looban pa ang tula—ang maaaring hindi na mapapasok kailan man) ay naganap sa sandali lamang.  Halos isang pitik, ngunit patuloy, ang ibig sabihin, eternal.

 

Ang “patuloy” na binubuksan ng salitang patuloy (pang-abay) ay ang mismong nagpapatuloy:  ang penomenong itinuturing na nagaganap sa kasalukuyan; at sa isang kabila, ay ito rin yaong mismong nagpapatuloy (sa patuluyin):  ang nagbubukas ng pinto/lagusan para sa maaaring pumasok.  Samakatwid, sa unang salitang patuloy pa lamang, nagtatanghal na ang salita.  Nagsasalita ang lengguwahe.

 

Maidaragdag pang ang binubuksang bukana ng “patuloy” ay hindi ang simula—kung  hindi ang gitna na (medias res)—ng penomenong (pagbagsak ng pira-piraso ng Skylab) tinutukoy sa tula.  Kaya ang agad na nakapasok na mambabasa ay waring agad na itinulak din sa lagpas na sa bukana.  Sa pangyayaring ito, magiging mahigpit ang pangangailangan (urgent) ng daloy ng tula—at sa unang linya pa lamang!  Lalo pa’t kasunod agad ng “patuloy” ang “bulusok.”

               

Matindi ang akselerasyon ng pagbagsak ang kahulugan ng bulusok.   May pagka-onomatopeiko, halos kasing-bilis ng nililikhang tunog sa pagbigkas nito ang nakikinikinitang pagbagsak.  At kung mayroon mang maaaring mabagsakan, maaaring tao, hayop, estruktura, o ano man, ang isang bumubulusok, sabihin nating bagay, tiyak na malaking panganib itong mahihirapang maiwasan ng mababagsakan.  Kaya maikakatwirang idinidikta sa maaaring-mabagsakan-na gustong maligtas na umiwas sa lugar na kababagsakan habang may panahon.  Habang hindi pa huli.

               

At hindi pa huli, tila bulong ng linya ni Popa, sa kabila ng inilalahad nitong panganib.  Paano?  Sapagkat binibinbin ng “patuloy” ang “bulusok.”  Nasa kakayahan ni Popa ang pagbibinbin, at isa rin ito sa mga pangunahing salita (antala) sa proyekto ng Morpo.

               

Estratehiko na nga ang pagposisyon ng “patuloy” bilang simula ng tula—ay estratehiko pa ring binibinbin nito ang “ambang lagim” ng “bulusok.”  Kung sa planetang Daigdig, kakain lamang ng sukát na panahon ang pagbulusok ng isang bagay—mula man sa tuktok ng gusali o mula sa kalawakan gaya ng Skylab.  Ngunit sa daigdig ng tula, waring kay-tagal (“nakabitin sa alangaang”) ng pagbinbin ng “patuloy” sa “bulusok”—ngunit balintunang ipinahihiwatig din nito ang tumitinding hila ng “bulusok.”  Ang resulta’y ang mas maigting na tensiyon ng hila-binbin-hila-binbin sa papel.  Ang mismong puwesto ng “patuloy” sa unahan, hindi lamang ng buong tula, kung hindi, partikular, sa unahan ng “bulusok,” kung gayon, ay matutunghayang pagtatanghal ng salita sa magkahidwang papel ng pagbinbin at pagsulong.

               

Gayon man, maididiing sumusulong ang tula.  Sinusundan ang tahak ng salaysay.  Ang binbin ay binbin lamang kaya’t nananatili ang panganib.  Muli, ang “bigat na nakabitin sa alangaang… [h]abang patuloy ang hatak ng grabedad / sa haba ng abang. // Madarama ang kaba sa hangin. // Ang puwersa ng paparating.”

               

Pinalalaki pa ang panganib ng mga taludtod 6 at 7.  Sapagkat “[m]adarama (na) ang kaba sa hangin.”  Maikakatwirang ang “kaba” ay antimanong ang damdamin ng pagkatakot ng tao o mga taong maaaring mabagsakan, dulot ng antisipasyon sa maaaring maganap.  Naririnig ko pang “‘madrama’ (dramatiko) ang kaba sa hangin” na parang kusang naglalaho-lumilitaw ang titik a sa pagitan ng mga titik d at r ng “madarama.”  Kung pagtitiwalaan pa ang mala-salamangkang ito ng letra, hindi ba’t maituturing na isa mismo itong “dula ng kaba sa hangin”?  Waring lumulutang ang salita at may-sa-tagabulag ang mga titik.

               

Ang “kaba sa hangin” na ito, sa bisa, ay lumilikha ng “atmospera ng takot.”  Ang nangyayari, nagkakaroon ng “pagkatakot” dahil sa nalikhang “atmospera ng takot.”  Isang uri ng paranoya—na higit na nakatatakot sapagkat kinakain nito ang bait at katwiran.

               

Saka susulpot sa tula si Sulpicio Mangali.

               

Pihit sa tula ang pagkahanap ni Popa kay Sulpicio Mangali, ang inilalarawan “na maya’t mayang tinatanaw / ang nananatiling banta ng langit.”  Kung sa naunang sampung mga taludtod, ang nagsasalita/tagapagsalaysay na nakakikita ng lahat (omnisyente) ay tila mula sa malayo, sa taludtod 11 ay tila bigla itong lumapit, parang mulang zoom out tungong zoom in ng kamera:  nagpokus.  Ibig maging maliwanag.  “Ipaliwanag ito kay Sulpicio Mangali.”  Sadyang hindi ko maiwasan ang kargang laro at “liwanag” nang paggamit sa “ipaliwanag.”  Tumpak na kataga sa tumpak na pagkakataon.

               

Samantala, bago ang taludtod 11, nasa taludtod 8  ang simula ng pihit.  “Ngunit malaon nang bumagsak sa dagat / ang amba ng magsasabog ng lagim.”  Ang ikaapat na saknong na ito ay tahasang kumokontra sa naunang tatlong saknong.  May bigat ang paggamit ng “ngunit” sa pangungusap sa mga taludtod 8 at 9.  Bukod sa kasangkapan ng transisyon, ang “ngunit” wari’y naggigiit ng iisang katotohanan lamang:  Na matagal nang tapós ang kinatatakutang daratal.  Kaya “[a]no pa ang titingalain?”

               

Sa waring paggigiit ng katotohanang ito, na ano’t wari’y kay-hirap ding pasubalian, lumilitaw na ang naunang mga saknong 1 hanggang 3 ay nagaganap na lamang sa isip, o imahinasyon.  At pagsapit sa taludtod 11, ay maipalalagay nga na ang imahinasyon ay kay Sulpicio Mangali.  Bagama’t imahinasyon yaon ni Sulpicio Mangali na pinapasok ng tagapagsalaysay.

               

Ang kahanga-hanga, kahit sa panukalang paglapit ng tagapagsalaysay, napananatili wari ang ipinamamalay nitong agwat sa inilalarawan sa pamamagitan ng mismong pagkahanap kay Sulpicio Mangali.  “Ipaliwanag ito kay Sulpicio Mangali,” na para bang ang tinutukoy ay nasa tabi-tabi lamang.  At kailangan nang marinig hindi man ito direktang bigyan ng tinig.

               

Halos gaya ng pagkahanap ni Wallace Stevens kay Ramon Fernandez sa “The Idea of Order at Key West,” pinagitaw ni Popa ang isa pang kamalayan bukod sa kamalayan ng tagapagsalaysay.  Ang kaibahan nga lamang, at mahalagang tandaan, malayang napapasok ng kamalayan ng tagapagsalaysay ang nilikhang kamalayan ni Sulpicio Mangali.  Kung wari’y kinakausap ng tagapagsalaysay ni Stevens ang Ramon Fernandez sa “Idea of Order” (“Ramon Fernandez, tell me, if you know...”), sa “Skylab” naman ay waring iba—ang mambabasa—ang kinakausap ng tagapagsalaysay (“Ipaliwanag [ninyo] ito kay Sulpicio Mangali.”).  Sa ganito, tila nga walang kalaban-laban si Sulpicio Mangali na nagpadaig na sa malaking takot.  Bumigay ang kaniyang bait na siya sana niyang depensa.  Kaya maikakatwirang madali ngang napapasok ang kaniyang kamalayan bilang persona (o sub-persona) sa tula.  Dito, sa isang banda, nagiging balido ang kaniyang nadaramang (at ipinadarama ng tagapagsalaysay) panganib, sabihin mang ito’y dala lamang ng kaniyang imahinasyon at karamdaman (paranoya).  Ano’t ano man, kailangan niyang ganap na mailigtas sapagkat ganap na nasa panganib.

 

3.

               

Saan matatagpuan ang kaligtasan?  Mahirap itong masagot, sakali mang mayroong kasagutan.

               

Sa kinalakhan kong baryo sa Quezon, may madalas akong marinig noong kuwento sa mga umpukan, inuman, at huntahan tungkol sa isang matandang nagngangalang Peles.  Si Mang Peles ay giya (guide) ng banda ng musiko at prusisyon tuwing piyesta sa amin.  Mayo 1976 nang maganap ang isang trahedya: habang ipinaparada ang patron na ihahatid sa bahay ng hermano sa susunod na piyesta, isang bus ang nawalan ng preno at bumangga sa buong prusisyon.  Marami ang agad namatay sa aksidente—mga bata at matatanda, kabilang ang buong banda ng musiko na arkilado pa mula sa ibang bayan.  Nasaksihan ito lahat ni Mang Peles na ayon pa sa kuwento’y siya lamang nabuhay sa sakuna.  Maaaring eksaherasyon ito, bagama’t hindi maitatatwang marami talaga ang nangamatay.  Pagkapangyari ng aksidente, natulala raw ang matanda, at nang medyo mahimasmasan ay kumaripas nang takbo at pagdating na pagdating at pagkapasok na pagkapasok sa bahay ay dire-diretso ring lumabas sa pinto sa kusina at hindi na huminto.  Ang maaaring kakatwa ngang ikinilos na ito na walang-hintong pagtakbo ni Mang Peles ay ginagawang katatawanan na lamang sa mga kuwentuhan lalo na ng mga lasenggo.  Hindi na naihahayag ang masaklap na katotohanang halos nabaliw ang kawawang matanda at noong nabubuhay pa’y tumatakbo o ibig tumakbo nang buong tulin tuwing makaririnig ng malakas na kalabog.  Trauma.  Paulit-ulit wari sa kaniya ang madugong kapalaran ng mga kababaryo at kung hindi man sinisisi ang sarili ay marahil nahihiling namang sana’y kasama na siyang namatay sa trahedya.  Sa paglipas ng panahon, ang kahindik-hindik na pangyayaring ito ay naghunos bilang tragicomic hanggang komiko sa bibig ng karamihan sa aming baryo.

               

Maselang bagay ang kaligtasan at kadalasan, ito’y hindi natin maharap-harap.  Isang parikalang umiiwas tayo wari sa isang bagay na maituturing na walang kasing-halaga sa pisikal o sa espiritwal mang antas.  Sa buhay man o sa sining.  Ayon kay Frost, “There are no two things as important in life and art as being threatened and being saved.”  Ngunit agad na maihahabol na umiiwas tayo sapagkat hindi natin batid kung paano nga ito haharapin.  Ang mismong pag-iwas, marahil, ay mismong pagpapanatili lamang sa ating mga pinanghahawakan, i.e., paniniwala, pag-asa, pangarap, at iba pa, gaano man ang mga ito karupok.

               

Ganito rin wari ang bigat ng damdaming isinasadula ng buong ikalawang seksiyon ng “Skylab.” Walang malabo sa nag-iisang saknong na ito.  Hayág ang imahen ni Sulpicio Mangali na tumatakbo patungo sa yungib ng, para sa kaniya, kaligtasan (at gaya rin ng paniniwala ng mga kaanib ng kung anong kulto na sumisilong sa mga kuweba sa babala ng Apokalipsis) habang sunong ang nabitbit niyang ari-arian (sako).  Komiko ang tagpong ito sapagkat ipinabatid na “hugong ng eroplano” lamang ang kaniyang kinatatakutan.

               

Naka-italiko at walang bantas, bukod sa may tugma’t sukat ang buong saknong.  Waring ipinamamalay na ang eksena, muli, ay nasa isang kamalayan:  ang kamalayan ng tagapagsalaysay.  O kaalinsabay na nagaganap ng isinasalaysay na naglalaman nga ng mismong eksena.  Waring isang meta-naratibo.  Hindi ko maiwasan ang magkaroon ng pagdamdam sa mga saping magkakasuson sapagkat ganoon kadelikado ang taludturan payak man itong inilahad.  Maaaring luminaw ang pagsalat ko sa dalawang kamalayan na nagsasalimbayan-napaghihiwalay-napag-iisa-muling pinagiging-isa ng makata sa ikatlo at sa huling bahagi ng tula.  Sapagkat sa mga seksiyong ito, gagamitin ng tagapagsalaysay ang panghalip panaong ka at ko.

               

Samantala, ang mga taludtod 17 at 19 ay nakapasok (indented).  Mahalagang isaalang-alang ito bilang pahiwatig ng galaw (“galaw” bilang galaw) ng taludturan na anaki’y nagtatanghal ng alinlangan—ng urong-sulong na pagtakbo.  Isusudlong ko agad na sa ganito higit pang nagkakabisa ang pagtatanggal ng mga bantas.  Waring walang hinto ang mga taludtod—urong-sulong—sabihin mang aapat na linya lamang ang mga ito sa buong saknong.

               

Kung ang “mga pagsasanaysay sa tula” (sub-titulo ng Morpo) ay mga pagtatangkang pagpapatunay nga ni Popa sa kakayahan/kapangyarihan ng tula (sa esensiya, bilang tula sa pahina, salita/mga salita sa papel) at hindi lamang bilang basta nakalimbag o nakasulat na akda at/o higit pang taliwas sa ipinapanukala ng ilan na akda bilang bibigkasin/itatanghal sa entablado/mga programa (i.e., performance poetry)—gaano kaepektibo ang saknong na ito bilang maliit na halimbawa, kung gayon?

               

Nasasalat ko ang mga uka, ang mga pingas sa mga palugit (margins) bukod sa puting espasyo ng pahinang lunan ng tula.  Napapakislot ako sa mumunting mosyon (o ilusyon man ng mosyon) ng salita bukod pa sa pinupukaw nito sa aking emosyon.

 

4.

               

Ayon pa sa tagapagsalaysay, “[m]apalad ka sa tamang lugar at panahon.”  Maituturing ba itong sagot sa “paghahanap sa kaligtasan”?  Hindi, sa aking palagay.

               

Hindi sinasagot ni Popa ang tanong hinggil sa kaligtasan.  Inilalapit lamang ng kaniyang linya ang mambabasa sa pinakamalapit na maaaring marating/maabot ng wika.  Gaano man kalapit ang pinakamalapit na ito, gayon man, ay nananatili itong distansiya, layo, pagitan.  Kaya nananatili ang “nakadungaw sa bangin,” ang “bigat na nakabitin,” ang “malawak na patlang.”

               

Pansinin ang ka sa taludtod 24.  Ano’t biglang may “ka” na direktang kausap ng tagapagsalaysay?  Nakagugulat na muli itong bigla’y paglapit (zoom in) ng tagapagsalaysay.  Tiyak na tinutukoy ng tagapagsalaysay ang kausap na “ka” at sinasabing “mapalad sa tamang lugar at panahon.”  Bagama’t hindi tiyak kung ang “ka” nga ay ang iba (other)—maaaring  si Sulpicio Mangali o ang kamalayan nito—o ang sarili rin.  O ang tagapagsalaysay kausap ang kaniyang kamalayan o ang kamalayan ng tagapagsalaysay kausap ang tagapagsalaysay na may-ari ng kamalayan.  May salimuot ngunit hindi ito kalabuan o pagpapalabo.  Sapagkat tiyak namang may kausap ang tagapagsalaysay.  Ang nililikha nito, sa halip, ay ang pag-aalinlangan, ang duda, ang pagdadalawang-isip, ang pagdadalawang-loob na nagpapasidhi sa ipinadaramang panganib na sa pagkakataong ito ay tila hindi na lamang kay Sulpicio Mangali, hindi na lamang sa tagapagsalaysay, kung hindi pati na sa mambabasa.  Lahat sa iglap wari ay nasa “tamang (nakatatakot na ang pahiwatig nito’y ang presensiya ng panganib) lugar at panahon”—at mahihinuhang ang walang hanggang ngayon-dito ng tula.

               

Kaya magiging napakahalaga ng halos “kaligtasan” sa pangwakas na bahagi ng “Skylab.”  Sa huling tatlong taludtod titiyakin naman ng tagapagsalaysay ang pag-iral ng sarili sa paggamit ng ko  (muli, zoom in) katambal ng pagtiyak sa ka (maging ito man ay tumukoy rin sa sarili).  At dahil sa naipadaramang panganib, walang pasubaling tapat at hindi na mapipigil ang pagbulalas, ang pagsigaw: “ Isang tula!  Isang tula!”  Ganap na mamamalas ang isinasadula ng mga salita sa pahina:  tula.

               

Kung gayon, hindi tungkol sa Skylab ang “Skylab,” bagama’t historikong pangyayari nga ang ito bilang ang unang himpilang pangkalawakan ng mga Amerikano na inilunsad sa orbita sa paligid ng daigdig noong 1973 at bumagsak (muling pumasok sa atmospera) ang mga piraso sa Karagatang Indiana at may tumama rin sa mga liblib na pook ng Australia noong Hulyo 1979.  Ang naturang pagbagsak ay hindi naiwasang pag-usbungan ng mga bali-balita ng malaking panganib at banta ng wakas at katakutan ng mga gaya ni Sulpicio Mangali.

               

Ngunit hindi rin tungkol kay Sulpicio Mangali ang “Skylab.”  Hindi mahalaga kung waring tunog-natatangi ang pangalang Sulpicio Mangali na pinili ni Popa taliwas sa karaniwang pangalang Espanyol na Ramon Fernandez (bagama’t siyempre’y hindi ito pangalang Amerikano) na pinili ni Stevens sa “Idea of Order.”  Maaaring si Mangali ay ang karaniwang tao, ang “everyman” ni cummings at hindi rin mahalaga kung totoong tao sa tunay na buhay o piksiyonal na karakter lamang.  Ang mahalaga ay ang manipestasyon ng nadarama niyang panganib sa pahina at ang pag-iral ng pangamba sa persona—ang panginginig sa ibinigay ritong tinig.  Ang mahalaga ay ang pagsisikap ng salita na mapanatag ang gayong “nginig” upang pagkuwa’y “makasigaw sa kawalan” gaya man iyon ng gawi ng isang nababaliw o nginangatngat ng kakaibang karamdaman.

               

Walang ibang sinasabi ang tagapagsalaysay ni Popa kung hindi ang ipinahahayag (sa labas ng interpretasyon):  ang inuusal ng Wika.  Ang tula, na gaya sa ikatlo sa “Mga Soneto kay Orfeo” ni Rilke, ay pagkabuhay (“Song is existence”)—pag-iral,  pananatili—maging ito man ay “[p]ilas ng papel na walang makapitan.” Hanggang sa huli, kahit may badya man ng kaligtasan, mababakas sa linya ni Popa ang anino ng pagiging di-ligtas at malaking paradoha na ang mismong “walang makapitan” ay ito rin mismo ang kinakapitan.

 

25 Agosto 2004

Mandaluyong

 

* * *