Poetry Issue 4

   Issue 4: January - June 2005

Mayo Uno Martin


Pas de Deux

I.

Handa ka na ba? Handa ka na bang mamatay?

Sa unang edisyon ng pahagayan, ang salaysay

Ng isang nakaligtas: “Parang may higanteng

Biglang nagising at nag-inat ng buto...”

 

Isang aksidenteng hinintay lamang na mangyari

Ang bansag ng eksperto. Tatlo lamang ang natagpuang

Buhay sa gumuhong gusali. Nagmumura daw sa sakit

Ang dalagang nadaganan ng pader habang nilalagari

 

Ang nadurog na mga binti. Isipin ang katawang

Nakatihaya habang lumilindol. Pinakikiramdaman

Ang marahang pag-uga’t tahimik na ugong ng silid—

Isa ring aksidenteng hinintay lamang na mangyari

 

Ang katawan. Marupok, nanunuyot, lampa.

Sa loob ng ambulansya, sandaling nagising ang dalaga

At kumapit sa manggas ng paramediko. “Pakibilisan po,

Hinihintay na nila ako sa labas...” Nagpupumilit

 

Kahit na alam niyang bukas, iba na ang takbo

Ng kaniyang buhay. Ang dating buhay sa loob

Ng silid, patiyad na naglalakad, umiikot nang umiikot,

Nag-eensayo sa likod ng pintuang biglang sumara—

 

II.

Blag! Sa ibang silid at panahon, isang dalagita

Ang padabog na lumabas ng bahay. Nakatunganga

Ang mga magulang sa pinto, hindi malaman ang gagawin

Sa anak na lagi na lang inuumaga. Ang pamilyang

 

Nasa bagong yugto ng kanilang pagpapamilya, papalapit

Sa puwertang sarado. Asiwa ang bawat hakbang

Tulad nitong tula, gumigiray na parang lasing

O sumasayaw na may dalawang kaliwang paa,

 

Natatapilok sa sariling mga hakbang tungo saan?

Sa club, sasalubong sa dalagita ang de-kuwatrong

Ritmo ng elektronikong tambol—duhg-duhg-duhg-duhg—

Hindi nagbabago ang elementong nangingibabaw

 

Sa musikang House, sinasandigan ng lahat

Ng inihahagis ng deejay sa saligutgot ng bulwagan:

Pulso ng baho, umaalon na ungol ng babae,

Kulog, sirena ng ambulansya na ang ibig sabihi’y

 

Halina’t umindak. Kalimutan muna ang lahat.

Ang dalagitang nakapikit, lango sa ritmong

De-kuwatrong sumusuot sa mga buto, katawang

Batid ang libog sa yapos ng di-kilalang katawan,

 

III.

Nais maging buo. Isang katawang naghahangad

Ng kapuwa katawan, o ng bagong katawan —

“Paano na ako?” Nagkulong sa silid nang isang linggo

Ang dalaga, madalas madatnang nakatunganga

 

Sa kaniyang mga hitang tuod. “Diyos ko, nahan ka?”

Taghoy ng kaluluwang nakapiit sa loob ng katawang

Durog. Nais lamang niyang madama muli ang kaganapan

Ng pagiging tao, tulad ng propesyunal na mananayaw

 

Na hinahangad na mapabuti ang bawat galaw.

Minsan, napanood mo ang isang grupong nag-eensayo.

Ayaw tumitigil hangga’t `di nagiging tumpak

Ang bawat padyak, lundag, pilantik. “Binabali

 

Ang sariling katawan,” sabi mo. “Hindi sila tao,

Aakalain mong nililinsad ang kanilang mga buto.”

Pumipilipit sa paggiit sa bingit ng makakaya.

Hinahangaan mo silang kaya ang hindi mo kaya,

 

Matatapang na kaluluwa iniaalay sa publiko

Ang sayaw, palabas na isa ring pagtakas sa seldang

Katawan. Minsan rin akong naging saksi. Nakatutok

Ang ilaw sa hubad na torsong nakapatong sa kahon

 

IV.

Sa entablado. Umalon ang musika at kumibot

Ang ulo bago haltakin ng di-nakikitang tali

At bumagsak sa sahig ang kalahating katawan,

Walang tigil sa pagwasiwas ang mga biyas.

 

Tropa ng mananayaw na pilay, nakasaklay,

Walang kamay, iisa ang braso. Naghilahan

Ang dalawang lalakeng gumagapang. Kinaladkad

Sa hita ang dalagang nakalupasay, humahagulgol,

 

Matapos paglaruan ng isa. Itinanghal noong 1975

Ang “Giselle” at ang tambalang Mikhail Baryshnikov

At Gelsey Kirkland. Lumipat ng kumpaniya

Ang baylarina upang makasama ang minamahal

 

Na itinakwil rin siya paglaon. Sa isang salaysay,

Aniya’y pinaghahagis siya na parang manyika

Ngunit hindi niya magawang makipaghiwalay

Sapagkat nawawalan ng saysay ang pagsayaw

 

Kapag siya’y nag-iisa. Tiniis niya ang lahat,

Naging anorexic at nalulong sa droga. Nanuyot

Ang katawan sa sawing pag-ibig, pag-ibig na

Isa ring aksidenteng hinintay lamang na mangyari.

 

V.

Sa kuwento, nabaliw si Giselle nung malamang

Niloko siya ni Albrecht, sumayaw nang sumayaw,

Umikot nang umikot nang nakatiyad sa entablado

Hanggang bumigay ang katawang inihatid sa bingit

 

Upang matunton ang dalisay na pagmamahal.

Handa ka na bang mamatay para sa minamahal?

Maraming lalaki ang dumating sa buhay mo’t

Dagli kang iniwan matapos gamitin na parang

 

Manyika. Ibinagay mo ang lahat sa unang nobyo,

“Pati ang kaluluwa, handang makipagpatayan,”

At nung iwan ka’y nadurog ang iyong puso’t

Gumuho ang lahat, pati ang tiwala sa Diyos.

 

Diyos ko, nahan ka sa buhol ng mga katawang

Walang mukha sa loob ng madilim na club.

Ulong di namamalayan ang paa, gayundin

Ang paa sa ulo. Kapuwa walang pakialam,

 

Kapuwa umiikot. Ang tahimik na pag-ikot

Ng mundo sa kaniyang axis, ang ritmong

Pinakikiramdaman ng mga katawang tinatanong

Ang sarili—Handa na ba akong sumabay

 

VI.

O hindi? Tatlong ulit yumuyuko ang bawat alagad

Ni Mevlana sa harap ng isa’t isa, isang pagkilala

Sa kapuwa kaluluwang nakapiit sa katawan,

Bago simulan ang Sayaw. Animo’y mga trumpong

 

Pabilis nang pabilis ang pag-ikot sa kanilang axis,

Nakatanghod ang isang palad upang saluhin

Ang biyaya ni Allah at sa kabilang palad lalagos ito

Upang diligan ang tuyot na lupa. Hindi sa kanila

 

Ang Katubusan at batid nilang daluyan lamang

Ang kanilang katawan. Mga mga pintong bukas-

Loob sa diyos. At sa pag-ikot, nawawala sila

Sa sarili habang umiigting ang tambol—duhg-duhg—

 

Habang umiikot rin papalibot sa maestro ng bulwagan.

Ang lihim na pag-inog na nagpapainog sa sansinukob.

Sayaw ng mga planetang nakapalibot sa araw. Sayaw

Ni Gelsey Kirkland sa palibot ng nasa — Nahan ka,

 

Mikhail? Kailangan kita, Mikhail... Ipinansasanggalang

Ang katawan sa mababangis na kaluluwang ligaw

Hanggang sa magbukanliwayway at manlupaypay

Si Giselle at tuluyang maglaho. Handa ka bang

 

VII.

Sumayaw upang tubusin ang kaluluwang minahal

At nagtaksil? At kung sakaling handa, tatagal ka ba?

Magdamag ang paghahabi ng maestro ng bulwagan

Sa ritmong sinasandigan ng mga ulong umiiling,

 

Paang pumapadyak, kamay na iwinawasiwas

Sa udyok ng hayok na laman, patakas na pagsiping

Sa madidilim na sulok ng silid na itinuturing mong

Pangalawang tahanan. “Hindi sila ang nang-iwan.

 

Ako ang nang-iiwan. Ako ang nagsasawa,”

Pangangatwiran mo na parang sirang plaka.

Daluyan ng alon-himig ang karayom na nakadiin

Sa mga gilit-gilit ng plakang bukal ng ritmong

 

Inihahagis sa magkabilang dulo ng kulob na silid

Ng mga nagsisiksikang katawan, isang aksidenteng

Hinihintay lamang na mangyari sakaling magkasunog,

May bombang sumabog o lumindol. “Handa ka na ba?”

 

Tanong ng doktor sa dalagang naka-prostetikong binti.

Hinawakan niya ang inialay na kamay at gumigiray

Na humakbang papunta sa kabilang dulo ng silid

Nang muli siyang tanungin. “Handa ka na bang mabuhay?”