May kumpol ng hiwaga
sa dulo ng sanga.
Mabigat na bugtong,
tangan-tangan.
Bilang tugon
sa hamon ng labay,
lalaylay
iyang dahon.
Wari bang sa lupa,
may matatabig
na kimpal ng gaan.
Mula sa alimuom,
aahon ay kawil
ng dunong:
Tungkab na kayang tamis
ng duhat?
O ang lansag
na halina ng hamog?
Lahat ng maaari’y pusok at rupok.
(Tulad kaya ng tumpok ng agnas
sa bingit ng paalam?)
Matapos ang ulos at bubog,
ilalahad ang lason.
At ang sugat—
Walang sasalo sa dahon.
Ngunit sa huling sandali,
isa pang palaisipan, Pakpak.
At ang nalalabi sa hinuha, Pagaspas.
Sa hinala, ang Nararapat—
Pumpon ng kumpas,
upang ang ginhawa maiwasiwas.
Hanging kaniyang-kaniya,
kani-kaniyang hininga.