Poetry Issue 23

ISSUE 23 : JANUARY-JUNE 2017

Enrique Villasis

Ang Kolonel

Salin ng “The Colonel” ni Carolyn Forché

Ang inyong madidinig ay totoo. Naroroon ako sa kanyang bahay. May dalang trey ng kape’t asukal ang kanyang maybahay. Ang anak niyang babae’y naglilinis ng kuko, ang anak niyang lalake’y lumabas nang gabing iyon. May mga diyaryo, alagang aso, isang baril na nasa unan ang nasa kanyang tabi. Hubad na nakalambitin ang buwan sa itim na lubid sa ibabaw ng bahay. Palabas sa telebisyon ang isang programang pinagbibidahan ng mga pulis. Sa Ingles. May mga basag na bote ang nakapatong sa mga pader na nakapalibot sa buong bahay upang kayurin ang mga tuhod o himayin ang palad ng sinoman. May harang ang mga bintana na katulad ng sa mga tindahan ng alak. Naghapunan kami ng kostilyas, masarap na vino, at sa ibabaw ng mesa, isang bulawang kampanilya na pantawag sa kasambahay. Dumating ang kasambahay na may dalang hilaw na manga, asin, isang uri ng tinapay. Kinamusta niya ang pananatili ko sa bansa. May maikling patalastas sa Espanyol. Nagsimula nang magligpit ang kanyang maybahay. May kauting pag-uusap kung gaano kahirap ang pamumuno. Nangangamusta ang loro sa may veranda. Sinigawan ito ng kolonel na tumahimik, at tumayo siya palayo sa mesa. Nangusap ang mga mata ng aking kaibigan: wag kang magsasalita. Bumalik ang kolonel na may dalang bayong katulad ng ginagamit sa pamimili. Ikinalat niya ang mga tainga ng tao sa hapag. Para silang mga pinatuyong kahati ng melokoton. Wala nang ibang paraan para sabihin ito. Kumuha siya ng isa, iwinasiwas sa aming harap, saka inihulog sa isang basong tubig. Muli itong nabuhay. Pagod na akong makipagbiruan wika niya. Para sa karapatan ng lahat, sabihin ninyo sa mga katulad ninyo, kantutin ninyo ang inyong mga sarili. Pinalis niya ang mga tainga at itinaas ang natitira pa niyang alak. Para sa iyong panulaan, no? wika niya. Nahuli ng ilang mga tainga sa sahig ang kanyang tinig. May ilang tainga ang nakalapat sa sahig.