Poetry Issue 23

ISSUE 23 : JANUARY-JUNE 2017

Edgar Calabia Samar

Ang Salarin

Tatlo na ang napaslang ko bago pa man ako natutong pumatay.
Ang una’y dagang nginatngat ang labi ko sa pagtulog;
nang maalimpungatan ako’y nagulat at nabitag sa kulambo.

Sinamantala ko’t dinaganan ng unan na inalmirol ko ang punda
kinabukasan. Itinapon ko sa inidoro, wari nahimasmasan sa tubig

at ibig pang gumapang paitaas kung hindi agad hinigop
na paibaba matapos kong i-flush ang aking higanti.
Ang ikalawa’y ang palakang lumulusot sa ilalim ng pintuan

kapag tag-ulan, pumapasok sa bahay, tumatalon sa sofa,
pinipilit lundag-lundagin ang kurtina kong luntian, at patatawarin

ko naman kung hindi sumalisi sa loob ng kuwarto’t ikinalat pa
ang tisyu’t condom sa basurahan. Ginayuma ko sa trash bag,
nang pumasok ay ibinuhol ko’t saka ibinitin sa sanga ng tuyong santol

sa labas ng gate, at makatlong araw ay kinuha ng basurero’t ihinagis
sa trak, kasama ang balat ng pakwan, itlog, at mga sitsirya.

Ang ikatlo’y nakakokonsensiya kung tutuusin dahil pusa
ng kapitbahay. Hindi ako naniniwala sa pamahiin subalit
may nagpapakulo ng dugo ko sa itim na itim na kulay nito’t

kung makatingin pa’y parang isa akong salarin. Binulungan
ko na siya noon, huwag kang haharang sa dinadaanan ko,

ngunit hindi nakinig. Isang gabing papasok ako sa gate, naroon
at nasa pagitan ko at ng pintuan. Gutóm. Inamo ko ng mahabang
muniiiiing. Sumunod, nakaangat pa ang buntot na parang walang tiwala.

Matagal ko nang napaghandaan ito. Inihalo ko ang limang aspirin
sa gatas na alam kong di nito patatawarin. Kung hindi

maghahatinggabi na’y tatawa sana ako nang malakas sa tagumpay
ko nang magsimula na siyang antukin at nanigas na lang
sa isang tabi. Puwede naman palang utasin

ang abala, kahit may siyam na buhay pa. Noon ko sineryoso
ang pag-aaral sa pagpatay. Masarap mabuhay nang nagmamasid

sa kapwang anumang sandali ay maaari mong paslangin.
Nakabitin lagi ang kamatayan sa kanilang ulunan, halimaw
na sasakmal sa isang putok ng gatilyo, o unday ng lanseta,

o simpleng paniniko pabagsak sa riles ng LRT sabay sa pagdating ng tren.
Minsan ay natatawa ako sa halakhak ng kontrabida sa soap opera,
matapos magbuhos ng asido, o magpasabog ng bus.

Hindi niya alam ang totoong pakiramdam ng naghahatid
ng kamatayan sa kapwa. Nasa loob ang tagumpay, dagang ikot

nang ikot sa munting ferris wheel sa kulungan, koro ng palakang
nasa latian ng lawa ng bulkan, kalmot ng pusa sa dilim,
sa mga aswang ng ating pag-iral na ligalíg na ligalíg gayong

kung gabi, kay sarap mahimbing sa gitna ng bilyong
kamatayan sa paligid. Nilalamon ako ng ideang wakasan ang lahat

ng pag-iral. Walang malalabi. Kay gandang katapusan, walang kasingganda!