Poetry Issue 23

ISSUE 23 : JANUARY-JUNE 2017

Rogene A. Gonzales

Si Marcos ang Pinakamagaling na Presidente

Sa alaala ng mga biktima ng Batas Militar


“Si Marcos ang Pinakamagaling na Presidente”,
ang sabi ng caption sa nirepost na pic ng isang Friend ko sa Facebook.
Parang nakapabebe-wave ang singkit na Diktador
na pinutakte ng 69 Likes.
“Apow Lakay? 69 Likes? Nagbastusen!” ‘ka ko.
Iba-block ko na sana siya kaso biglang
kumurap ‘yung mukha sa litrato, kumunot ang noo.
Akala ko malikmata ko lamang ang kaba pero—
may humampas bigla sa computer screen
nagdilim ang buong paligid
nakadapa akong nangangapa nang maramdamang
may mga basag na salaming nagkalat sa sahig
wala akong makita sa loob ng kuwarto
dinig ko ang alulong ng malalaking aso
ipinambusal niya ‘yung mapait na tela
hanggang himatayi’t nagising akong
ipinapakain ‘yung mga piraso ng bubog
antapang ng amoy ng gasolina
nung tinanggal nila hindi ako makahinga
nagliliyab siyang parang gasera
pinaghukay nila kami ng sariling libingan
pinaulanan kami ng hampas ng pala sa likuran
pinlantsa nila ang aking talampakan
sabay-sabay nilang binunot ang aming kuko’t ngipin
sinubuan sa bibig ng blade
saka ikinulong sa loob ng kabaong
hanggang sa nag-amok akong nalalasahang
kinakalawang ang sariling dugo
tinititigan lang nila kami buong gabi
nakahubad sa ibabaw ng matitigas na yelong bloke
nang malusaw magdamag nila kaming kinukuryente
sa ari ipinasok paulit-ulit ‘yung baluktot na alambre
wala na siyang malay nang hinugot sa estero
ako na lamang ‘yung natirang mag-isang sumisigaw
(…ang mga punglo sa pagkagising ko’y pulang araw…)
MGA BABOY! MGA BABOY KAYONG LAHAT!
KAHIT NA MANHID NA AKO PUTANG INA!
Putangina nila habang parang naka-loop na playlist na nakapasak sa tengang pumapatak sa utak ang lahat ng umuungol na halimaw na garalgal at busina ng Maynila ay di pa rin pinalagpas ng masalimuot na gunitang hindi mabura-bura kahit anong pilit sa isip ko’y nasa isip ko pa ring di mabura-bura ang nakasusulasok na usok ng mga puntod ng putahan ng mga tambak na kasama sa aking mga matang nilulunod sa sigwa ng mga batuta at basbas ng Maharlikang diwa’t daliring patuloy na lumalapirot sa nagnanaknak kong mga sugat:

“…The Filipino, it seems, has lost his soul, his dignity, and his courage.
The Filipino, it seems, has lost his soul, his dignity, and his courage.
The Filipino, it seems, has lost his soul, his dignity, and his courage…”