Essay Issue 22

ISSUE 22 : JULY-DECEMBER 2016

Om Narayan Velasco

Salagimsim

***

Sa bandang dulo ng kanyang buhay, astrolohiya ang kinahumalingan, at ‘di naglaon, naging huling hanap-buhay ni Papa. Hindi ko lubos naintindihan ang kanyang ginagawa. Pero natatandaan ko ang mga gamit sa kanyang mesa—nagkalat na mga chart, iba’t ibang kulay ng panulat, sari-saring panukat at compass.

Naroon din ang isang libro, makapal at kulay pula, na madalas niyang binubuklat. Nakatala rito kung nasaan sa himpapawid ang araw, mga planeta, ang buwan, sa bawat araw ng bawat taon sa loob ng isang siglo.

Ilang taon na ang nakalipas mula nang mamatay si Papa noong una kong hanapin sa libro ang petsa ng aking kapanganakan. Hindi ko maalala kung anong oras ako isinilang.

***

Disyembre 31, 1965, alas dose ng tanghali. Ito ang mismong sandali ng proklamasyon ni Marcos sa pelikulang Iginuhit ng Tadhana. Huli ito ng isang araw sa tunay na petsa ng pangyayari.

Sanlaksang tao sa Grandstand sa Luneta ang huling larawan ng pelikula. Bago nito, ang imahen ni Gloria Romero bilang Imelda: nakatingala’t nakaluhod sa pasilyo patungo sa altar. Naririnig ng manunuod ang kanyang panalangin.

***

Agad kaming lumipat sa Baguio. Sa bagong bahay, malayo-layo ang kailangan lakarin papunta sa sakayan. Hindi kami makapaglaro ng holen sa tarik ng kalsada. Sa bagong paaralan, nasubukan kong kumuha ng kendi nang hindi nagbabayad.

***

Si Bongbong ang may pinakamaraming linya sa pelikula sa tatlong magkakapatid. Sa isang eksena, ipinakilala niya ang sarili sa isang talumpati. Walang alinlangan ang pagbitaw niya sa mga salita at tiyak ang kumpas ng kanyang kamay at katawan. Sa ilang pagkakataon, sumasagi ang kanyang titig sa kamera.

Pitong taong gulang si Bongbong nang gawin ang palabas. Mukha siyang mas matanda nang bahagya dahil sa kanyang gupit. Sa ngayon, makatitiyak tayong siya ang tunay na anak.

***

Isang lumang bahay sa Sikatuna ang huli naming tinirahan bilang pamilya. Kawangis ng disensyo at laki nito ang isa pang dating bahay bago kami nanirahan sa Baguio. Pareho silang may puno ng bayabas sa bakuran.

Sa unang bahay, pumutok ang ulo ko matapos kong akyatin ang puno at mahulog. Hindi ko kinain ang mga prutas nito sa bahay sa Sikatuna. Parehong lumulundoy ang kanilang mga sanga.

***

Minsa’y kami ng isa kong kapatid ang naiwang nagligpit at naghakot ng mga gamit. Mabigat ang loob namin sa laki ng tambak na kinailangang hakutin. Madilim na nang matapos kami sa pagbubuhat. Umawas ang mga kagamitan sa bintana ng inarkilang dyip. Pinabayaan namin sa ilalim ng hagdan ang hindi na maaaring dalhin. Marami kaming naiwan sa bahay.

***

Hulyo 2, 1990, hapon. Sa loob ng isang simbahan sa New York, naglakad nang nakaluhod si Imelda patungo sa altar. Bago nito, isang eksena sa hukuman: ang kanyang dalawang anak na magkayakap, ang mga hiyawan at pag-iyak. Hindi makapaniwala ang lahat.

Wala tayong madinig sa loob ng simbahan. Sa araw na iyon, taimtim niyang ginunita ang kanyang kaarawan.

***

Dahil ako ang kanilang panganay, naramdaman marahil ni Mama ang obligasyon na ipasa sa akin ang mga naiwang gamit ni Papa. Nakasinop ang mga ito sa loob ng isang kahon. Balang araw babasahin ko lahat ito, ang sabi ko sa sarili. Sinubukan ko itong ingatan sa loob ng maraming taon.

***

Nang dumating ang panahon ng kandidatura ni Bongbong, madalas lumabas sa telebisyon ang anak upang ipakita ang suporta at tiwala niya sa ama. Hindi niya ininda ang mga paratang.

Singlinaw ng kanyang mga mata ang kanyang isip. Paano hihingi ng tawad kung wala namang pagkakasala? Nasa mura pa itong edad para masingil sa ginawa ng kanyang pamilya.

Ipaubaya na natin sa mga historyador ang kasaysayan.

***

Pagpasok ko sa elementarya, itinuro sa akin ang halaga ng pagsaulo sa mga petsa sa libro. Hindi namin naisip itanong kung tama sila o mali.

***

Maglalakbay ako. Ito ang nabasa ni Papa sa sarili kong chart na kanyang iginuhit. Si Mama na ang nagkuwento nito sa akin.

Simula noon, may kung anong bagabag sa dibdib. Hanggang ngayon hindi ako mapakali.

Sino ang makapipili?