Poetry Issue 9

   Issue # 9: January-June 2008

Allan Derain



mula sa Ang Munting Banal na Aklat ng mga Kumag


      ang mga di-kaanib na kumag


                  Nagsipasok sila sa malaking simbahan bagama’t hindi sila mga kaanib doon. Palukso-lukso sila sa mga rehas na Donated by Engr. and Mrs. Costales. Sa mga sulok at butas ng kisame, nagawa din nilang magtaguan. At ito, habang nagmimisa ang pari. May dumapo sa ibabaw ng malapad na tiyan ni San Agustin, lumipat sa koronang sinag ni Santa Monica at sa dulo ng namumulaklak na tungkod ni San Jose naman naglambitin at nanimbang. Tinayuan nila ng pugad at ginawang bahay-bahayan ang mga matagal nang di nililinis doong aranya. Sa ubod ingay na huning sabay-sabay nilang nilikha ay parang mga sinaunang Hudyo nilang nilibak ang Kristong nakapako pa rin sa krus. O koro ba ng mga pagpupuri at dasal ang mga siyap na iyon? Pero hindi sila marunong magpuri at magdasal. Katunayan, may isang walang-hiya ang walang pakundangang umipot sa misal ng isang aleng taimtim na nagdarasal. Tumingala ang muntik nang matuluang ale. Ito’y kahit alam niyang hindi niya sila makukuha sa tingin, pero iyon lang kasi ang kaya niyang gawin. Dahil walang dios sa anyo man ng katiwalang sakristan o manang ang makasasaway sa ginagawa nilang paglalapastangan.

       

previous     next