Essay Issue 9

   Issue # 9: January-June 2008

Allan Popa



Iluminati: Ilang Tala sa Proseso ng Pagtula


      Ang bawat likha ay pagsasanay sa pagkawala. Sa tuwing nagbibigay-anyo ang isang makata sa damdamin at tinig ng persona sa tula na minsan lamang nabibigyan ng pagkakataong umiral sa pahina at magsalita sa gitna ng napakalawak na kawalan, muli’t muli niyang itinatanghal ang kaiklian ng buhay ng tao bilang pagtatangka na maunawaan ito. Pagsasadula ang bawat tula kung paanong magsimula at unti-unting lumapit sa napipintong katahimikan na nagbibigay-bisa, bigat, at kahulugan sa salita at pag-iral.

      Anuman ang saysay ng ganitong paniniwala, nagbibigay ito sa akin ng pakiwaring isang sagradong bokasyon ang pagtula, kung kaya ibayong responsibilidad ang inaasahan nito mula sa akin. Lubhang seryosong gawain ito na sinisikap kong ibukod mula sa kalakaran ng mundo upang hindi marungisan bagamat likas itong "marumi" bilang awiting itinatagas ng pagiging mortal at pagkakaroon ng katawan. Kumbaga, ito ang huling tanggulan ng aking sekular na pananampalataya. Wika nga ni Emily Dickinson, hindi niya pangangahasang hawakan ang mga salitang hindi niya kayang buhatin. Maselang gawain ang pagtula at sinisikap kong isaayos ang aking mga gawain sa paligid nito upang mabigyan ito ng natatanging puwang sa aking buhay.

      Napakapribado at sagrado ng espasyo ng paglikha sa akin at sinisikap ko itong protektahan laban sa pang-araw-araw na kalakaran. Bagamat sinasabi kong ibinubukod ko ang lugar na ito, alam kong mariing nakadiin sa mga hangganan nito ang mga ligalig ng mundong iniiwan pansamantala kapag nagbabasa at nagsusulat ako. Nananatiling ang kalakhan ng nasa labas ang pinakakahulugan. Ang ingay nito ang itinitimbang laban sa katahimikan. Tinutumbasan ng piling-piling mga salita ang halaga. Ang madidilim na salitang mariing tinitipa sa pahina ay ang bakas ng mga puwersang dinanas sa labas na patuloy pang dinarama ng katawan at isipan, mga ligalig at pangambang nanunuot sa loob ng silid.

      Sa aking pagtula, naging gawi ko nang ilagay ang persona sa katapusan. Hindi ko alam kung biyaya o sumpa ang pagkakaroon ko ng imahinasyong pumapanday ng anumang karanasan sa anyo ng trahedya, ng pagtinging laging pinangungunahan ang nakatakdang pagkawala. Sa negatibong pananaw na ito ng pag-iral, ang mga tauhan ng aking tula ay pawang nahusgahan na at hindi matakasan ang tadhana ng kanilang katawan, ng pagkatao: mga pigurang bato na napatda sa grabedad ng makahulugan o ritwalistikong aksiyon: ang pagpupumilit na may makadaupang palad at matawid ang walang-hanggang pagkakawalay ng tao sa kapwa. Sa puwersa sa pagi-pagitan ng isinumpang mga nilalang na hindi matatawid kailanman ang kanilang takdang pag-iisa hanggang sa oras ng kamatayan, maigting ang puwersa na siyang pilit na pinaliligiran ng mga salitang bumubuo sa tula.

      ...

       

      Download complete essay