Poetry Issue 9

   Issue # 9: January-June 2008

Jason Tabinas



Ebolusyon


      Dahil hinaharap ang sarili sa nililikhang wangis.
      Matapos ang mga guwang, kurba, at guhit,
      ang pagsukat ng layo sa isa’t isa.

      Ang mukhang hugis itlog na inibabawan
      ng bunot na buhok. Ang bloke ng katawang
      itinatayo ng mga tuwid na paa.

      Tamang-tama ang likha.

      Nang dumating ang mga mangangalakal, dala
      ang rebulto mula Indonesia.
      Ang pagtikom ng bibig—linyado mula ilong
      pababa sa ligid ng mga labi hanggang baba.
      Ang pagtangan sa sibat ng kamao’t daliring
      panay guhit—bakas ang buto ng balagat,
      mabibilog ang balikat, at mabulas
      ang kalamnan ng dibdib at tiyan.

      Ang masusing pagsipat sa sariling lawas matapos
      ang pananalamin sa likha. Ang paglikha
      ng wangis ng dayo. At ang muling pagharap
      sa sarili. Ang pagsukat ng lapit sa isa’t isa.

      Mainam. Mas mainam.

      Tuloy ang paggagap sa mumunting kibot
      ng damdaming sumusungaw sa rabaw ng balat:
      ang lugod sa pagkakahuli ng usa at paghilig
      ng katawan paharap sa bigat ng sunong sa likod.

      Ang pagsukat sa pagitan ng paglapat
      ng loob at ng labas.

      Ako nga. Napakainam.