Poetry Issue 9

   Issue # 9: January-June 2008

Kristian Cordero



Daliri


      Kinasuklaman ko kaagad ang angking kagandahan
      ng ilang bagay: katulad ng mga rosas na itlog
      ng kuhol sa palayan na paisa-isa kong pinisa.
      Nakakatakot ang kanilang pagdami
      at dahil noon pa man inasam ko na,
      na makakita ng mga kaluluwa
      o kaya’y mga anghel na kuhol
      na mag-aalsa ng digmaan laban sa akin.
      Ngunit malamang walang itinitira
      ang kanilang kamatayan.

      Ganun pa man pinaghandaan ko pa rin
      ang sandaling maghaharap kami ng kanilang hukbo.
      Kung kaya tinipon ko ang mga tinik ng makahiya
      na sa unang pagkakataon ay inakala kong
      isang halamang hayop—
      nakakaramdam at nagkukuyom ang mga ito
      sa bawat pagdantay at ipinagpalagay kong
      may taglay ngang kapangyarihan ang aking mga daliri
      na kaya ring maging aso, ibon at kuneho ng anino nito.

      Simula noon kinilala ko isa-isa ang aking mga daliri.
      Ginawa ko silang mga kawal ng nagbabadyang digmaan.
      Ipinagbawal ko ang pagpitas ng kahit anong bulaklak
      lalo na ang mga namumukadkad sa tuwing alas-dose ng tanghali.
      Itinuro sa hintuturo na hindi lahat ng dapat ay maaari.
      Mariing tinanggihan ang singsing
      na magtatali sa akin sa isang inaalok na pag-ibig.
      Bawal ang pagkulay sa kanilang mga kuko
      at sa halip ginawa ko itong mga buto, mga kalasag.
      Tinuruan ko silang ituring ang bawat isa bilang kapantay.
      Walang hinlalaki. Walang hinliliit.

      Ngunit labis na tinik ang nalikom ng aking mga daliri
      at ngayon sa huling sandali ng pakikitunggali
      bigla itong nagkuyom, isang patay na kamao, semento.
      Kung mamarapating buksan ang mga ito
      dahan-dahanin lamang, marahang isa-isahin
      na parang nagbubunot ng mga petalyo—
      Pakiusap: baka sumugat ang mga tinik ng makahiya
      at mapisa ang ilang mga nalalabing rosas na itlog:
      tanging ito na lamang ang huling mga bihag.