Magigising ka sa mga hinanakit na mariing isinulat sa pader sa labas
ng tindahang bukas ang liwanag para sa lahat beinte kuwatro oras:
matatalas na salitang magdamag na nangusap sa iyo kung sino ka man
hanggang mapudpod ang uling sa mga daliring sumalat sa gaspang
ng nagtataasang gusali ng lungsod, ng kongkretong kalansingan
ng pangamba, matatatag na dingding na nagkukubli sa mga lihim
na lagusan ng lihim na lungsod sa loob ng lungsod na iyong nakikita.
Umaahon gabi-gabi ang mga dagang nawalan na ng hiya sa kahirapan
upang baybayin ng mga sakit na namamahay sa kanilang kalusugan
ang riles ng iyong gulugod bago muling maglaho sa dilim ng lungga.