I.
Bumaba sa ating malay ang sugo ng takot:
siyang nagsa-katawang-taong-tumalon-
mula-sa-bintanang-umuusok.
At magmula noon, unti-unti tayong nabulag
sa mga abong kanyang ikinalat.
II.
May bumulusok
at may gumuho.
At naghalo ang alabok
ng bato at tao.
May namanginoon
at nag-atas,
“Magkaroon ng liwanag!”
At nagkaliwanag.
Pumailanlang ito
Sa kaitaas-taasan
At pagkabulusok,
May gumuho.
III.
Kinabkab niya ang mga abong
nagsa-balakubak sa kanyang bumbunan.
Inipon niya ang mga ito sa kanyang palad
At naglahad:
“Sa mga alabok na ito mabubuo
ang ating Paraiso.”
Pagkawika’y hinipan niya ang mga ito’t
naging itim na likido sa ilalim ng disyerto.