Poetry Issue 15

   Issue #17 : July-December 2012

Rosmon Tuazon



Wala sa Lunan


      Kapag labis akong nasaktan o nakasakit,
      tumatabi ako sa isang sulok at pinipilit kong maglaho.

      Tatantanan ko ang paghigop ng sopas na umuusok pa’t
      hindi ko man lang nakalahati. Pupunasan ko ang kutsara

      hanggang lumantad ang pinakaunang kinang nito,
      ihahanay ang mga kubyertos sa mesa sa sinop na aking dinatnan.

      Susubaybayan kong mahinog
      ang sampisngi na mangga, habang aking nasasambit na

      ganito pala—
      tila mas gumaan ang mundo,

      mas umaliwalas ang lunan kung saan wala ako.

      *

      Magsisikatok sila, at isisigaw ko mula sa aking sulok,
      pasok, pasok. Magsisituloy silang magagara ang suot,

      dala ang pinakarereserba kong bote ng alak,
      sarisaring panghimagas, bungkos ng mga testimoniya.

      Pares-pares silang maghahanap ng puwesto
      upang magsuklian ng buntonghininga.

      May agaw-eksenang titindig sa gitna
      upang aluin ang sarili.

      Magdadaigan sila sa lalim ng panghihinayang
      na parang alam nilang nariyan lamang ako,

      nagpapanggap na nawawala.

      *

      Anupa’t mababagot din ako. Dadamputin ko ang kutsara
      upang ubusin ang sopas, pagkatapos ay ang aking oras sa may bintana

      upang matyagan ang nagbabasa ng aklat sa kabilang bakuran.
      Manaka-naka siyang napatitingala, waring may tinutuos,

      waring kinukutubang siya ay pinanonood.
      Waring inuusisa ang sarili,

      para kanino siya nangungulila?