Poetry Issue 15

   Issue #17 : July-December 2012

Bomen Guillermo





      Tila nagbabasa ako ng isang artikulo mula sa isang revista científica na nasa wikang alemán. Mahaba na ang aking nabasa pero may isang bahagi lamang akong naaalala na naiwang napakaliwanag at walang kaduda-duda sa aking isipan: “ ...Nahahanap ng walang matang kuto ang kanyang torre de guardia sa tulong ng mga pandamang-liwanag sa kanyang balat. Nadarama ng bulag at binging mananalakay na ito ang paglapit ng kanyang víctima sa pamamagitan ng pandamang-amoy. Ang amoy ng butiricong asido na bumubuhos mula sa mga daluyang pawis ng isang hayop na mainit ang dugo ay nagbibigay ng natatanging pananda sa kanya na agad magpakatihulog mula sa kanyang torre. Kapag nagkataong nahulog siya sa isang hayop na mainit, bagay na matitiyak ng kanyang pandamang-init, ay malalaman niyang nasilo na niya ang kanyang victima. Sa tulong ng kanyang pandamang-bagay ay kailangan lamang niyang maghanap ng isang bahagi nitong walang buhok upang gumawa ng butas sa balat nito at ilubog ang kanyang katawan nang lampasulo upang sipsipin ang mainit na dugo... pagkaraan ay wala nang natitirang gawin pa kundi magpatihulog muli sa lupa, mangitlog ng libo-libong katulad niya at mamatay.”