Nakasakay ako ng kabayo sa gitna ng isang gubat na kamukha ng nasa ibinigay na acuarela ni Banog.
Ang pakiramdam ko’y pagod na pagod at hapong-hapo ang aking katawan na parang nanggaling ako sa
isang mahabang-mahabang, napakabagsik at napakalupit na guerra. Labis ang kapaguran at uhaw na
uhaw na rin ang aking puting kabayo na mabagal na ang pagsulong. Napansin kong nakasuot ako ng
uniforme na pangsundalo na ang kulay ay kasing bughaw ng langit. Nakabotas din akong itim na
hanggang tuhod. Wala akong suot na sombrero at may nakatali sa aking sentido na puting panyo
na tila may natuyong dugo. Maraming bahaging putikan at may mga bahid ng dugo sa aking damit
at botas. Mababa na ang pagkakasabit ng espada sa aking baywang kaya halos gumagasgas na ito
sa lupa. Napansin kong sinusundan ng aking kabayo ang isang makitid na daanan. Mabababa ang
mga puno at maraming maliliit na bulaklak na puti sa lupa. Halos wala akong makita dahil sa
mga dahon na nakaharang sa aking mga mata. Sa wakas ay umabot kami sa isang mataas na bakod na
puting-puti. Pagpasok ng kabayo sa bakuran ay nakita ko ang isang malaking bahay na bato sa
gitna. Luma ang bahay at matagal nang hindi inaayos ang mga bahaging nasira. Bumabagsak na ang
kanang bahagi ng bubong. Mataas na ang damo sa harapan nito at nakakalat ang mga patay at
nabubulok na sanga sa lahat ng panig. Bumaba ako sa kabayo at nagpa-”tao-po” pero walang
sumasagot. Ilang beses kong inulit pero walang anumang tunog na nanggagaling mula sa loob ng bahay.
Sa wakas ay binuksan ko na lamang ang malaki at lumang pintuan. Pumasok ako’t umakyat ng hagdan
hanggang nasa ikalawang palapag na ako. Puno ito ng mga larawan, muebles, iskultura at iba pang
mga mamahalin na bagay na gawa sa bronse, marmol at salamin. Ang lahat ay tila maalikabok at inaagiw.
Nagulat ako nang makita sa na may nakaupong nakaharap sa aking tatlong tao sa gitna ng sala.
May dalagang kapansin-pansin ang pambihirang kagandahan na nakatitig lamang sa sahig na labis na malungkot.
Katabi niyang nakaupo ang isang mas matandang babae na tila nanay niya na nakatingin sa akin nang tuwid
at walang kakurap-kurap. Kapwa sila nakasuot ng mga ternong pinakamaganda ang pagkakahabi at pinakamamahalin
ang uri. Nakatayong tuwid sa bandang kanan sa likod nila ang isang binata na mukhang mas bata sa akin
na tila kapatid naman ng dalaga at nakasuot din ng uniforme na katulad ng sa akin ngunit
mas mababa ang nakasaad na ranggo. Nakatitig din siya sa akin pero hindi ko mabasa ang sinasabi
ng kanyang mukha at wala rin siyang sinasabi. Habang nakatayo doon sa harapan nila ay biglang
luminaw sa akin na sila’y aking mga kakilala. Alam kong kilalang-kilala ko sila. Pero nasa
pinakagilid na sila ng aking alaala sa isang nakaraan na hindi ko na maibalik sa liwanag ng
isipan. Kahit ano ang aking gawin ay parang mga patak ng mercurio ang memoria nila na hindi
mahuli ng aking mga daliri at hindi magagap ng aking mga kamay. Alaalang tila wala sa utak
kundi nasa pinakamalalim na taguan na lamang ng musculo ng puso. Pumapasok ang malamlam na
liwanag ng hapon sa mga malalaking bintanang capiz. Nagsalita ang kanilang ina. Sinabi niya
ang aking pangalan at nagtanong, “Bakit ngayon ka lang nagbalik? Matagal ka nang hinintay ng aking anak.
Matagal ka na naming hinintay.” May luhang pumatak sa mata ng magandang dalaga na hindi ko na kilala.