Poetry Issue 15

   Issue #16 : January-June 2012

Oliver Ortega





      NASA SA ISIP ATBP NASASAISIP UKOL SA PANAHON

      1.
      Mahalaga sa akin ang ideya ng pangako, ang katuparan ng isang bagay sa hinaharap, kahit pa may mga pangako na hindi nagaganap o hindi nagiging ganap. Para sa akin, hindi resulta ang lubos na mahalaga kundi kung paano tayo tinutulungan ng pangako na kumilos at magkaroon ng resolba para bigyan ng kaganapan ang ating mga nasa, ang mga binitiwang mga salita.

      2.
      Pantasya ang nasa kaibuturan ng lahat ng nasa--ang pangangarap sa posibilidad ng bago, ng naiibang danas, ng mas maunlad na estado kaysa umiiral ngayon. Sa isang takdang panahon, may pantasyang imposible at kagaguhan lamang (ngunit hindi nangangahulugan na ito ay dapat isantabi; ako mismo ay isang masibang konsyumer ng ganitong pantasya) at may pantasyang lohikal, nagsasamateryal, o may posibilidad na magkaroon ng katuparan gaano man katindi ang mga pagsubok na maaaring pagdaanan. Dumarating ang panahon o ang pagkakataon na ang pantasyang irasyunal ay nagiging rasyunal. Anuman ang pantasya, ang mahalaga ay ang mga posibleng sangkap sa pag-iral nito. Para sa akin, kritikal na sangkap hindi lamang ang imahinasyon, kundi ang taimtim na pagbabalik-tanaw sa nakaraan upang masusing bigyang-linaw ang umiiral na kasalukuyan. Dagdag pa ni Ernst Bloch, ang kasaysayan ay isang repositoryo ng mga posibilidad, ng mga buhay na opsyon para sa pagkilos tungo sa hinaharap.

      3.
      Walang makapagsasabi kung ano ang tiyak na anyo ng mga bagay na paparating, kung ano ang pihadong mangyayari kinabukasan, isandaang araw mula ngayon, o sa mas malayong hinaharap. Hindi ito kahinaan o isang pangit na kalagayan. Ito pa nga ang kapanabik-panabik dito.

      4.
      May malalim akong interes sa ganitong uri ng tula o pagtula na nagbubukas sa maraming posibilidad ng kung anong maaari--ang espiritu ng utopia hindi bilang paksa o nilalaman para maisiwalat ng manunulat ang kanyang mga prediksyon, nalalaman, kritisismo o proyektong pulitikal, kundi bilang pwersang nagbibigay-ekspresyon sa nasa ng komunidad, ng sarili bilang lagi't laging kabahagi ng isa o maraming komunidad--ang pagsusulat ng tula bilang isang akto ng paglikha (pagbuo ng mga salita sa pahina; pagbuo ng mundo, kamalayan, o pakahulugan sa isip ng mambabasa); ito rin ay pagbibigay-laya sa ating mga pantasya--ang tula bilang tulay upang makatawid at marating ang hindi inaasahan, ang posibilidad ng pagbabago.


      Sa “Berso” ni Allan Popa, kaniyang winika:

      Alam kong hindi natin sinadya.
      Hindi natin namalayan ang sandali
      Ng ating pagbabago

      Pinagmasdan kong magliyab
      Ang mga salitang nilagdaan mo sa mga liham
      Hindi dahil nawalan sila ng kahulugan
      Kundi dahil nanatili silang totoo,
      Hindi tulad natin.

      5.
      Nagbibihis tayo ayon sa panahon, sabi ng makatang si Lisa Robertson. Ngunit nasa anong panahon na tayo? Ayon sa Discovery Channel, malayo pa sa katumbas na tagal ng isang kurap ang edad ng tao kumpara sa edad ng mundo. Sa ganitong lawak ng panahon, hindi ko mawari ang pag-iral ng iisang klase ng tula, o ng singular na pagbasa sa napakaraming klase ng mga tula. Ito marahil ang dahilan kung bakit tumatawid ng ilang taon ang proyektong sinimulan ko sa Ilang Sandali Lamang na nailathala noong 2007. Gusto kong madama ang pagpapanibagong-bihis ng tula sa pag-usad ng mga panahong nailalaan ko dito--ang posibilidad ng mga pagbabago sa mismong proyekto. Gusto ko ring madama kung paano ako binabago--ang aking kamalayan, mga paninindigan at paniniwala; ang paglulugar ng sarili sa isang partikular na panahon at pook--sa paglipas ng panahon. Maituturing itong delusyon tulad ng maaaring pagturing sa mga binabasa't isinusulat na tula bilang kasama sa mahaba't masalimuot na byahe patungo sa hinahangad na utopia. Sa dulo ng tulang “Byahe” ni Romulo Sandoval, kaniyang sinabi na “Pagbungad mo, lagi, may bagong larangang iyong sinusuong.” Gusto ko ang ganitong sitwasyon--ang pagiging laging nasa bungad ng pakikipagtagpo at pagtuklas.

      6.
      Sa byahe, karaniwan ang ganitong kumbersasyon:
      Tao 1: Gaano kalayo ang pupuntahan natin?
      Tao 2: Mga trenta minutos.

      Gusto kong magtapos sa usapin ng oras tulad ng pagtatapos ng isang bahagi ng mahabang tulang “Of Being Numerous” ni George Oppen sa salitang time. Ayon kay Lyn Hejinian, ang tanging remedyo sa pumalpak na proyektong pulitikal ay ang pagbabago ng ating relasyon sa oras.

      Ikinakampanya ngayon ng gubyerno sa pamamagitan ng DOST at PAG-ASA ang “Juan Time” ang pagtatakda ng iisang oras sa buong bansa upang matigil na ang Filipino Time. (Matatagpuan sa Internet ang PST.) Ayon kay Jacque Ruby, kinatawan ng Discovery Channel sa Manila na siyang pasimuno ng proyekto, kinumbinse niya ang gubyerno na gawing malay ang mga Filipino sa oras matapos ang isang personal na trahedya. Noong Pebrero 15 ng taong ito, wala siya sa tabi ng kanyang tatay nang pumanaw ito sanhi ng mga kumplikasyon sa diabetes. Nang araw na iyon, “I brought my wife home because we were very tired, we wanted to wash up and maybe take a nap. I thought he would last until the morning. Around 1 or 2 a.m., my sister called and told me to rush to the hospital.” Ayon kay Ruby, “I wasn’t there when my dad moved on, when my dad passed away. That’s one of the biggest regrets of my life.”

      Hindi ito ang unang pagkakataon na sinikap iistandardisa ng estado ang oras sa bansa. Noong panahon ni Marcos, makikita tuwina sa Channel 9 ang Philippine Standard Time, kahit naka-signoff na ang estasyon. Pag-aari at kontrolado ng gubyerno ang naturang estasyon. Diumano ang pag-flash ng oras sa telebisyon ay paraan para gawing malay ang mga Filipino sa oras ng curfew noong panahon ng Martial Law.

      Nauunawaan ko ang pait at pasakit na naranasan ni Ruby, nauunawaan ko ang halaga ng pagiging sakto sa oras, ng pagiging nasa tamang timing. Noong ako ay nagtatrabaho sa Makati, ako man ay kumukunot ang noo kung may mga miting na hindi nagsisimula sa oras o kung may mga miting na sobrang tumatagal at tila nag-aaksaya na lang ng oras. May halaga ang oras ngunit hindi ito ang mahalaga. Hindi ko nais ang ganitong regimentasyon sa buhay, ang pagsunod ng pag-iral ng tao sa tiraniya ng orasan. Lagi kong inaabangan ang anumang uri ng interapsyon sa regularidad ng buhay--ang potensyal ng sorpresa--bilang salik para kamtin ang higit mas maunlad na pamumuhay. Sa aking pagtula, mahalagang salik ang interapsyon upang magkaroon ng pagkakataong lumingon at mabatid kung paano mas epektibong makapagpapatuloy. Sabi nga, maikli lamang ang oras ng tao sa mundong ito; ang mahalaga ay kung paano ka nabuhay sa ibinigay na oras na ito.

       

Back