Poetry Issue 15

   Issue #16 : January-June 2012

Nikka Osorio





      Hinahangaan ko ang kakayahan ng likhang-sining na bumighani samantalang nananatiling tahimik. Sa ganitong paraan, sa tingin ko, higit na makapangyarihan ang mga imahen kaysa sa mga salita. Iba’t iba ang dahilan kung bakit sumulat ako ng tula tungkol sa ilang likhang-sining. Maaaring nabighani ako sa obra, sa nabasang proseso ng paglikha rito, may nadamang pagnanais na makipag-usap dito, at minsan, ibig kong higit na maunawaan ang obra kaya sinusubukan kong tulaan ito upang higit na mapagtuunan ito ng oras at atensyon.

      Para sa akin, hindi nalalayo ang sining-biswal sa tula. Katulad ng sining-biswal, isang komposisyon ang tula. May isipang madarama sa pagbabasa ng tula at ganito rin sa tuwing tutunghay sa isang larawan o anumang likhang-sining. Tahimik na gawain ang pakikipagbuno sa isang obrang bumighani sa iyo. Nauuwi sa matagal na pakikipagtitigan sa obra at tila hindi alintana ng tumutunghay ang paglipas ng oras. Ganitong-ganito rin tuwing magbabasa. Mabilis na lumilipas ang oras. Hindi ko sinadyang tulaan ang mga likhang-sining. Nagkataon lang na malimit akong humiram ng art books sa aklatan at nakikipagtitigan sa mga obrang nasa papel. Higit na maganda sana kung ang aktuwal na mga obra ang tinutunghayan ko ngunit dahil higit na madali ang tumunghay sa mga larawan ng mga obra sa aklat, nagkakasya ako rito.

      Bukod sa mga likhang-sining, nabighani rin ako sa isipang nasa likod ng mga obra. Nagbasa ako tungkol sa kanila at minsan, kapag marami na akong nabasa, nais kong hulihin sa salita ang karakter nila. Tila ba, sila naman ang subject na nais kong ipinta sa pamamagitan ng mga salita, ng tula. Sa “Burador,” nais kong mahuli ang proseso ng pagguhit ni John Ruskin. Nais kong ipakita ang kaibahan ng pagguhit sa simpleng pagkuha ng larawan na siyang tinututulan niya. Sa “Sleepwatcher,” ibig kong makaugnay sa ginawang pagmamasid ni Picasso sa mga nahihimbing. Iniugnay ko ito sa sarili kong pagmamasid. Malimit, sa mga tulang ekphrastic na ginawa ko, hindi ko binubura akong tumutunghay. Ginawa ko ito sapagkat sa ganitong paraan, magagawa kong manatiling tapat sa obrang tinutulaan. Kailangang ipakita ko ang persona sa tula. Kailangang malay ang mambabasa na may tumitingin.

      Nang tulaan ko ang obrang “Mère et enfant” ni Picasso, isinama ko ang napag-alaman ko tungkol sa pagiging nasa selda ng mag-ina sa obra. Isinama ko ito upang ipakita ang ginawang pagpili ni Picasso na kahit sa pamamagitan lamang ng kanyang obra, kahit paano’y mapalaya ang mag-ina—na magawa silang tingnan at makita sa labas ng rehas. Ginawa kong dalawahan ang mga linya upang higit na maging lantad ang pagiging tungkol nito sa mag-ina, na sa kanilang dalawa ito. Gumamit ako ng indentasyon sa ikalawang linya ng bawat saknong upang maipakita sa pahina ang ginagawang paghehele at kasabay nito, ang pagpapadama sa mga alon na hindi na binanggit sa tula bagaman ipinahihiwatig sa hati ng mga linya. Walang indentasyon sa huling saknong upang higit na mamalayan ang kapanatagang nais iparating ng tula.

      Maraming pagtingin ang isinasangkot sa tulang “Mère et enfant, Picasso.” Nariyan ang ipinintang pagtingin ni Picasso sa mag-ina at ang pananaw rdito ng dalawang tao sa tula (persona at kausap nito) na tinitingnan ang pagtinging ito ni Picasso. Idinagdag ang detalye ng rehas na piniling hindi isama ni Picasso sa larawan. Gayunman, binanggit ang rehas sa paraang hindi makapipiit sa namamayaning pagmamahalan at kapayapaan ng mag-ina. Makikita sa tula kung paanong maaaring manipulahin ang talagang nangyari upang mapalitaw ang bisa ng pangyayaring ito sa tumitingin.

      Naniniwala akong epektibo ang isang ekphrastikong tula kung nagbibigay ito ng panibago o kakaibang pagtingin sa obra. Ang pagtulang ekphrastic, isang pagtingin sa isang pagtingin. Hindi simpleng deskripsiyon kundi pagpapakita sa maaaring hindi makikita sa obra kung hindi sa pamamagitan ng tula. Sa pagtula, laging nariyan ang elemento ng “hindi alam.” Itong “hindi alam” na ito, sa tingin ko, ang pagtingin na siyang produkto ng matinding atensyong ibinigay sa tiningnan. Kung pagtutuunan ito ng pansin, kung bibigyan ng espesyal na atensyon, magagawa itong makita mula sa ibang liwanag. At sa gayon, maituturing na isang magandang surpresa na kapalit ng pakikipagbuno sa tula at pakikipagtitigan sa obra ang higit itong makilala.

       

Back