Poetry Issue 15

   Issue #16 : January-June 2012

Mesandel Virtusio Arguelles





      Malaya tayong sumulat ng tulang may malayang taludturan. Malaya rin tayong sumulat (hanggang ngayon) ng tulang may tugma at sukat. Malaya tayong sumulat ng tula. O hindi. Pag nagpasya tayong sumulat ng tula, lahat ng pagpapasyang gagawin natin habang sinusulat ang tula ay mahalaga. Sa ating mga desisyon nakasalalay ang mga posibilidad at potensiyal ng tula. Kung pinag-isipang mabuti ang ating mga desisyon, mababakas ito sa resulta ng ating ginawa: lilitaw ang tula.

      Kabilang sa mga pagpapasyahan natin ang pagbuo ng taludtod at taludturan. Paano lilikhain ang taludtod at taludturan nang pinakamabisa? Nang ang bawat taludtod ay maging ganap sa sarili nito (kahit pa isang salita lamang ito, halimbawa), nakapag-iisa at tumutulong sa taludturan upang palawakin, palakihin pa ang saklaw ng tula higit sa agarang mapapansing bisa at kariktan?

      Pag pinag-isipan na natin ang ganitong mga tanong at iba pang kaugnay, pinapasok natin ang isang sistemang hindi pa natin batid ngunit habang inaalam, inuusisa natin ay maaaring makatukoy sa kung paano mahuhubog ang taludtod at taludturan. Walang tiyak na panuntunan sa sistemang ito, lahat ay arbitraryo sa proseso ng pagbubuo, una, ng mismong sistema at anumang panuntunang mapapaloob dito, at ikalawa, ng taludtod. Samakatwid, malaya tayong buuin ang ating sistema sa pananaludtod, ngunit ang kalayaang ito ay malalim na nakaugat sa hinihinging anyo, hinihingi ng anyo, ng isinasatula.

      Samakatwid, malaya lamang tayong pumasok sa itatakdang sariling hangganan sa paglikha. Kung paano tatawid sa hangganang ito ang ating akda, ito ang higit na trabaho at magsasabi kung hanggang saan ang kalayaan ng malayang taludturan.

       

Back