Poetry Issue 15

   Issue #16 : January-June 2012

Mesandel Virtusio Arguelles





      Tuwing nagtatangka akong sumulat ng tula, hindi ako nag-iisip hinggil sa linya o nag-iisip gumamit ng linya. Ang iniisip ko ay ang masabi ang gusto kong sabihin (ang “narinig” sa isip). Pero kadalasan, dahil hindi ko talaga alam o tiyak ang gustong sabihin, basta may masabi lang: makita sa papel ang mga salitang maaaring sabihing kumakatawan sa aking mga kaisipan sa sandaling yun. Gayunman, halos automatikong mga linya ang rerehistro sa papel sa kurso ng aking pagsulat. Linya sa biswal na pandama. Isang hilera ng mga salita sa papel. Pero hindi lang ito ang linya sa tula.

      Kung tuwing susulat ng tula ay iniisip ko ang sasabihin, na hindi nangangahulugang ang sasabihin ko ay laging may “kahulugan,” ang linya kung gayon, ang tagapagdala o sasakyan ng mga sasabihin o kaisipan sa tula. Kay George Oppen: “nasa linya (at ibinibigay ng linya) ang pulso ng kaisipan.” Bukod sa pagiging tagapagdala ng kaisipan, ang linya rin ang mismong daanan ng pagdadala ng kaisipang nagaganap sa tula. Ibig sabihin, upang maging daluyan, kapag sinabing linya sa tula, hindi lamang isang linya (ang isang hilera ng mga salita sa pahina) ang dapat isipin kundi ang isang linya kaugnay ng iba pang linya sa buong tula. Kaya ang linya sa tula ay hindi lamang ang poetikong berso, malaya o may tugma at sukat man, kundi maging ang linyang nasa anyong prosa. Walang limitasyon ang linya ng tula.

      Ang konsepto ng pagiging sasakyan at daan ng linya ay naipahayag ko sa tulang “Liriko”:

                                                                    Sa akin,
      Ang mga linyang ito ay sasakyan upang makaraan
      Sa pahinang ito. Mangyari pa, dito,
      Ang taludtod at sasakyan ay daan
      Sa sandaling dumating ka. Agad sinisimulan
      Ang paglalakbay na hindi namamalayan.

      Ang pagiging “isa” ng sasakyan at daan sa pagdanas ng pag-iral sa tula ay susi upang ang anumang tangkang pagtukoy sa depinisyon ng linya ay lagi’t laging pagtukoy sa relasyon ng linya sa palaugnayan (syntax), pangungusap, at iba pang elemento ng tula at sa silbi ng linya kaugnay ng iba pang linya. Sa ganito, ang silbi ng linya ay lagi’t laging totoo o epektibo lang sa isang partikular na tula. Samakatwid, nananatiling tangi ang silbi ng linya sa tulang binubuo nito. Walang iisang paraan ng paglikha—paghinto—pagpapatuloy—ng linya at walang iisang kapangyarihan o bisa ang mahusay na paghawak sa linya upang maipadala rito at maiparaan ang kaisipang isinusulong ng tula. Sa ganito rin nangyayaring ang bawat pagbasa ng tula, ayon kay James Longenbach, ay isang “act of discovery rather than an act of recitation—an event that happens on the page.”

       

Back