Poetry Issue 15

   Issue #16 : January-June 2012

Mesandel Virtusio Arguelles







      Kung bubuklatin ang aking unang aklat, mapupuna ang mga nasala at napulot ko galing sa Bibliya, lokal at dayuhang alamat/mitolohiya, kulturang popular, balita, astronomiya, siyensiya, pelikula, at mga manunulat gaya nina Tinio, Roethke, Steinbeck, Saramago, Bigornia, Bachmann, Alma, Milosz, at iba pa.

      Maituturing ko ang sariling huli sa pagpalaot sa panitikan. Patapos na ako sa kolehiyo nang magsimulang magseryosong magbasa ng mga akdang pampanitikan. Kaya nang lumabas ang una kong aklat, halos hindi pa nga pumapasok sa kamalayan ko ang terminong “intertextuality.” Kung isasaalang-alang na hindi ko pa alam ang intertextuality, maaaring ipagtaka kung bakit marami na ring alusyon, sipi, paghalaw, at reperensiya ang aking unang aklat.

      Hindi sadya sa simula, kung gayon, na nagagabayan ako ng konsepto ng intertextuality sa pagtula. Bagama’t batid ko na mapayayaman ang aking mga tula ng anumang materyal mula sa iba, kaya sinikap kung gamitin ang mga ito. Batid ko na maaaring makipag-usap/makipagdiyalogo/makipagdiskurso ang aking mga akda sa ibang nauna rito. At yun ay kabilang sa aking mga hangarin sa pagsulat.

      Matatanto ko paglaon na hindi matatakasan ang intertextuality. Sa pagsulat pa lamang ng unang salita, patay na ako. Bawat salita o teksto ay isang interseksiyon ng mga salita o teksto na kahit man lang isa pang salita ay maaaring mabasa (Kristeva). Walang tekstong nakapag-iisa at may iisang kahulugan, kung gayon. Ang teksto ay isang multidimensiyonal na espasyo kung saan ang samotsaring tekstong pawang hindi orihinal ay naghahalo at nagtatalaban (Barthes).

      Paano nangyayari ang pagsimsim at pagsalin ng isang akda o bahagi nito tungo sa isa pang akda? Kailangang maging mambabasa; ang bawat manunulat ay mambabasa muna. Ang kapangyarihan lamang ng manunulat ay paghaluin ang iba’t ibang nasulat na (Barthes).

      Gayunman, hindi dapat maliitin itong tanging kapangyarihan ng manunulat. Dahil ito rin mismo ang kanyang ultimatong henyo. Sa kanyang talino sa malikhaing paghahaluhalo/paglalabulabo ng ibang teksto tungo sa pagbubuo ng sariling teksto ay nakababahagi/nakaaambag siya sa patuloy na umiiral na diyalogo/diskurso ng panitikan o sining.

      Ito rin ang patuloy kong sinisikap gawin sa aking pagtula: ang walang humpay na pagsagap/pagsimsim ng iba’t ibang teksto/materyal. Nababatid na isang araw, ang isang tekstong mapulot ko ngayon ay maaaring lumitaw sa aking pagsulat maláy man ako o hindi. Mabuti at mabisang paalala ang gayon, sa tuwina, na wala naman ako talaga kung wala ang iba.

       

Back