Poetry Issue 15

   Issue #16 : January-June 2012

Mabi David





      Kakalipat ko lang sa bagong tirahan. Maliit, mas maliit sa lahat ng nakasanayan. Dati, may kaunting sobra, kaunting luwag ng paghinga. Ngayon, paunti-unti ang pagbili ng mga gamit, pinag-iisipan kung ano ang totoong kailangan, dahil kakaunti lang ang ipon. Ayokong maubos ang oras sa pag-aalala kung saan kukuha ng pera kung sakaling kapusin. May mga ilang bagay akong gustong pagtuunan ng pansin, kung kaya’t ang bawat araw ay tila isang patuloy na pagninilay sa kung ano ang mahalaga, kung ano ang makapaghihintay pa, at kung ano ang huwag na; kung paano ang mistulang hindi sapat o tiyak, kung pag-iisipan at hihimayin, ay makasasapat nang pansamantala. Minsan mahirap, minsan palpak, at minsan pikitmata sa mamahaling kape na kaya ko namang gawin sa bahay dahil ang ibig sabihin nito ay isang mas mahabang kuwentuhan kasama ang pamilya. Natututo na rin akong maging mas maayos sa aking mga oras at tanggihan ang ilang paglabas nang maingatan ang mas mahal na panahon ng malayang pag-iisa.

      Palagay ko ang iniisip ninyo: E, ano ngayon? Naniniwala ako na hinihingi ng bawat tula ang kanyang anyo, at hindi ako sanay na magbahagi ng nasasaisip tungkol sa anyo, fixed form man o free verse, kung walang tula na pag- uusapan. Kung bakit ang anyong iyon ang hinihingi ng tulang iyon. Pero habang pinag-iisipan ko ang malayang taludturan para sa ating talakayan, tila ito nagiging usapin ng kung paano bibigyang anyo ang buhay, ang bawat araw. Sa tula ni Bidart na “Advice to the Players”: “But being is making: not only large things, a family, a book, a business: but the shape we give this afternoon, a conversation between two friends, a meal.” Naniniwala ako na ang usapin ng anyo ay isang mas malawak na usapin ng etika, na ang bawat anyo ay isang pagtingin sa mundo, at ang bawat sangkap ng tula ay sangkap lamang kung ito’y gamit para ipakita ang kasanayan at hindi ang pagtingin na nakapaloob dito. Laging may mas malalim na usapin ang bawat sangkap at estilo. Bakit ko kinakailangang ang malayang taludturan sa tulang ito? Bakit sukat at tugma? Bakit kailangang mas mahaba ang linya at mas kapos sa paghinga? Thought is implicated in speech. ‘Ika nga ni Williams, A new rhythm is a new mind.

      Tungkol sa malayang taludturan, sabi ng marami, hindi naman talaga malaya ito. Maaaring na ang paglaya ng isang tula mula sa sukat at tugma ay isang paglaya mula sa nakagawian na maaaring hindi na ukol sa pakiramdam o sa panahon, hindi na gumagana at hindi na dapat pilitin. Ngunit maaari ring na ang sukat at tugma ay isang pagtingin sa mundo na mapagpalaya. Maaaring hindi sila ganun kaiba sa isa’t isa. Para sa akin, hinihingi ng bawat tula ang pagkilala sa lahat ng hindi kailangan nito patungo sa bago, pagtanggal sa lahat ng sobra na nagpapabigat at pumipigil sa hinihinging tunay at tapat na anyo. Ang kalayaan ay lagi’t laging nakaugat sa pagtanggi, sa pagsabi ng Hindi. Hindi ito, kundi ito. Linya man o buhay. Bukod-tangi ang lugod mula sa pagpili ng tapat at sapat. E ano ngayon kung magkamali ako sa pagpili? Isang matalik na kaibigan ang nagsabi sa akin noon, Nasa panganib ng pagkakamali ang puwersang nagdadala ng pagbabago. Ang anyo ay ang maingat at patuloy na paglilok patungo—at lagi lamang itong patungo—sa maaaring malaman.

       

Back