Poetry Issue 16

   Issue #16 : January-June 2012





      Kinalabasan

      Epidemia
      ni Nicko Reginio Caluya

      Mainit na naman ang haing putahe
      Sa may karinderyang tapat ng palengke.
      Babad sa mantika ang bibig ng bibeng
      Ating tatawagin sa ngalang T’ya Bebe.

      Kakak sa katabi: “Alam mo ba, mare?
      May narinig akong umuungol kagabi!
      Si Pareng Vicente, nakikipaglandi
      Sa putang Makati sa kabilang kalye!”

      Pumutak ang manok na si Aling Nene:
      “Hindi na nahiya! Aba, sa garahe
      nagkahubaran na. Nakita ko ang dede,
      nilalamutak na parang pan de leche!”

      “Kaya kanina lang nakita ko ang Ate,
      Mukhang humigpit ang ikot ng liyabe.
      Paika-ika na, basa yata panty!
      Ay, amoy na amoy! May tulo! STD!”

      Nasamid ang lahat sa mga nangyari.
      Sabay nagtalsikan ang laway sa diri,
      sa mami at goto, sa lumpia at lomi,
      pancit canton, bihon, sotanghon at miki.

      Nagkahagikhikang hindi na mawari
      kung pinakawalang mga kalapati
      o baboy sa koral, o dagang pusali.
      Umaalingasaw ang amoy-tanghali.

      (Larawan mula rito)

      *

      Nang masilayan ko ang pako ng krusipiho
      ni Frances Moreen Naputo

      gaya ng unang pagsilay na hindi maaalala, nais ko makakita. Gumawa ako ng liham isang gabing
      walang tala.
      Nang sindihan ang gasera, walang tinta kundi papel na inukit ng mga butas at salita
      sa salita.
      Ang hindi mababasa

      Hinarap ko ang salamin matapos makita:
      kristong nakapako sa krusipiho
      nakapa ko sa pader: ang pako.

      Mapapaigi pa ang pagtingin. Nagkrus sa salamin. Anong sabi ng kilay sa isa pang kilay bago ahitin?
      (sansaglit, naging itim na ambon)

      Nilisan ko ang silid, salat ang mukha ng anghel na hindi kinilayan ng mga sinaunang iskultor
      tungo sa tanghali.

      Naaalala ko ang bagong silang na araw.
      Kumaripas ng takbo, kumukurap ang mga matang
      silaw sa daloy ng pawis.

       

Metodolohiya