Poetry Issue 15

   Issue #16 : January-June 2012

Joseph de Luna Saguid





      1. ang apoy. Lubhang madilim.

        Ang pagsulat / pagbasa ng tula sa malayang
        taludturan ay lagi’t laging walang
        katapusang pagsulong-
        urong-sulong ng/sa mga posibleng
        kahulugan. Ang bawat putol ng linya,
        bawat pagsasaknong, bawat galaw ng salita
        sa pahina ay pawang pag-aantala
        sa paghawak sa “sinasabi ng
        tula” na nariyan na ngunit wala pa,
        at sandali pa’y nariyan na.

        Patungo sa dulo ng
        tula, walang ibang landas
        kundi itong mga linyang sa kamay
        ng makata ay mga nalikha
        (bago ang lahat) na bagong palaisipan,
        bagong bugtong, bagong imahen:

        Akala ko likas lamang
        ang hangad kong manatiling buhay

        ang apoy. Lubhang madilim.
        - Arsonista, Rosmon Tuazon


        Dahil sa baryasyon ng musika /
        paghinga, dahil hindi ka
        hinihele ng sukat
        at tugma, dahil sa antala,
        laging mulat ang makata /
        mambabasa, nakatuon
        sa likot ang pansin,
        sa piglas ng pag-iisip
        na inihahandog ng tula.

      2. Malayang taludturan: malayang hubog ng tula

        Higit sa usapin ng lineation at pagsasaknong, mas interesado ako ngayon na pag-usapan ang mas malawak na implikasyon ng malayang taludturan sa kontemporanyong panulaan. Bukod sa pagtingin sa linya at saknong bilang mga poetic unit na nalilikha at umaambag sa salimuot ng tula, nais kong tingnan kung paanong, dahil sa malayang taludturan, naging dinamikong espasyo ang pahina, at kung paanong ang isang buong tula ay isa ring poetic unit sa loob ng isang konseptwal na koleksyon, sa loob ng koleksyon na nagtatanghal ng hubog na enactment ng nilalaman ng tula, isang biswal na pag-ayon / pagtugon sa iniikutang problema ng tula.

        Kung dati’y tulang may tugma at sukat ang tanging sisidlan ng kahit anong nilalaman ng tula, ng kahit anong problemang pinag-iisipan ng makata, ngayo’y narito ang iba’t ibang hubog ng tula na bumukal mula sa pagsulat sa malayang taludturan. Kaya naman naging kaparangan ang pahina sa Parang ni Mesandel Arguelles at naging kalawakan at kuwaderno, o kalawakan ng kuwaderno, naman sa Mga Tala (at Talá) sa Alaala ng Kagandahan ni Oliver Ortega.

        Nariyan din ang halimbawa ng Paterson ni William Carlos Williams, na isa sa pinakamasugid na mag-aaral ng free verse. Ang kabuuan ng Paterson ay enactment ng Passaic falls at ilog (daloy ng tubig) sa bayan ng Paterson na naging kinatawan, para kay Williams, ng daloy ng kasaysayan at buhay ng isang lungsod sa Estados Unidos sa panahon ng mapanakop na industriyalisasyon.

        Sa tradisyon ni Williams, ginamit ni Jorie Graham ang mismong katawan / hubog ng kanyang mga tula sa Seachange upang ipakita ang pagkahig-pagmaliw ng alon (o ng balita ng mga naglalakihang alon) sa dalampasigan ng ating mga buhay. Naisakatawan ang dagat sa pahina sa pamamagitan ng pagsulat sa bawat tula bilang isang “katawang-tubig” (accumulated na mga materyal na inangkin na ng / may kinalagyan sa tubig), tuluyan ang daloy at walang pagsasaknong. Samantalang naisakatawan naman ang baryasyon ng galaw ng alon sa pamamagitan ng paiba-ibang haba ng mga linya.

       

Back