Poetry Issue 15

   Issue #16 : January-June 2012

Joseph de Luna Saguid






      Karaniwang tinatalakay ang intertextual writing bilang isang moda o bilang paraan ng pagsulat kung saan ang isang akdang pampanitikan ay nakikipagdiyalogo, nakikipagdiskurso, o tumutugon sa iba pang akdang pampanitikan sa pamamagitan ng epigraph, alusyon, paggamit ng direktang sipi mula sa ibang akda bilang pamagat, lunsaran o bahagi ng isinusulat na akda, at iba pang uri ng inkorporasyon ng isa o higit pang akda sa loob ng isang akda.

      Nais kong talakayin ang Intertextual Writing bilang pagbubuo ng isang akdang pampanitikan sa pamamagitan ng inkorporasyon o/at appropriation ng mga kontemporanyong tekstong hindi itinuturing na akdang pampanitikan. Dahil nasa anyo at bokabularyo ng mga ito ang sintomas ng kontemporanyong kalagayan na kinakaharap na problematiko ng manunulat, ang inkorporasyon o/at appropriation ng mga tekstong ito ay nagiging isang mabisang paraan “upang maihayag ang dapat marinig sa isang panahon gamit ang wikang kapwa katunggali at katalastasan ng wikang kasalukuyan” (Popa, Introduksiyon sa Latay sa Isipan).

      Tatlong halimbawa ng ganitong klase ng Intertextual Writing ang nais kong ibahagi: Una ang polyeto ng United States Postal Service na ipinamahagi sa mga mamamayan ng Estados Unidos pagkatapos ng 9-11 at inilagay ni Claudia Rankine sa kanyang aklat na Don’t Let Me Be Lonely bilang bahagi ng lirikong sanaysay/poetikong prosa. Ang inkorporasyon ni Rankine ng mismong polyeto sa teksto sa loob ng pahina ay isang pagpuwersa sa mambabasa na pagtuunan ng pansin ang wika o lengguwahe ng panibago at mas malubhang paranoya ng panahon ng post-9/11.

      Pangalawa, ang paggamit ni Mabi David ng “You are here”—isang praseng matatagpuan sa tourist maps—bilang pamagat ng kanyang ikalawang aklat ng tula. Pisikal na presensiya o pagiging nasa espisipikong lugar at panahon ang ipinahihiwatig ng praseng “You are here,” ngunit nang gamitin ito ni David bilang pamagat ng isang aklat na kinaharap na problematiko ang pagiging second-hand witnesses ng kasalukuyang henerasyon sa isang pangyayaring katulad ng Battle of Manila na “nararanasan” na lamang sa pamamagitan ng mga tour sa Corregidor at sa iba pang lugar na naging lunan ng digmaan, ang buong aklat ay nagsilbing interogasyon ng pagiging turista ng tao sa isang lugar na wala nang aktuwalidad ng karahasan at kalupitan ng digmaan ng nakalipas na panahon. Ang pagiging intertekstuwal ng akdang ito ay lalong makikita sa pamamagitan ng tulang Repository kung saan nakapaloob ang mismong teksto ng questionnaire sa mga survivor ng Battle of Manila:

            ...Were any of your relatives and/or friends
      killed during the battle for the liberation?
            If so, please

      name your victim, your relation to the victim,
            the approximate location of your victim’s death,
                  your victim’s manner of death

      [please check]: by
            crossfire or
                  shelling or

      bayoneting or
            burning or
                  torture or “others,”

      the blanks below…



      At pangatlo, ang paggamit ko ng anyo ng sinumpaang salaysay o sworn statement bilang anyo ng tula sa binubuo kong koleksyon na pinamagatang Loob. Ang kinalabasang tula ay isang katalogo ng mga paghihinala / pagbibigay-paliwanag tungkol sa mga nasaksihang pangyayari sa pamamagitan ng pakikinig o pagkakarinig sa mga tunog na pumapasok sa studio-type apartment na tirahan ng persona—ang kabaliktaran ng katalogo ng mga detalye ng “totoong nangyari dahil totoong nasaksihan (eye-witnessing sa halip na ear-witnessing)” ng gumawa ng isang sinumpaang salaysay.

      Ang lugod o pleasure sa Intertextual Writing na ginagamit ang mga tekstong hindi itinuturing na uri o genre ng Panitikan ay ang encounter at engagement sa bagong wika o bokabularyo na mas magpapalawak sa pagsipat ng manunulat sa panahong kanyang kinapapalooban at magpapayaman sa mabubuo niyang akda. Ang sorpresang hatid ng Intertextual Writing ay ang pagkakatuklas sa iba’t ibang anyo, wika, at paraan ng pagtula.

       

Back