Poetry Issue 15

   Issue #16 : January-June 2012

Harris Guevarra





      Sa pagdasal sa tula, hubad na humaharap ang tao at walang hiyang inilalantad ang kaniyang kahinaan sa kadakilaan ng Diyos.

      Humiling ng katarungan si Job ngunit agad ding nabusalan ang bibig nang maubusan ng dahilan ang Diyos kung bakit siya Nito pinarusahan.

      Bakit sa kabila ng mga lohikal na pagdududa ni John Donne sa mga linyang hinubog ng makabagong siyensiya ng kaniyang panahon, bigla niyang gugulatin ang sarili na wala siyang laban sa Maykapal?

      Sapagkat nasa pagsuko sa Diyos ang panatag?

      Nitong mga nakaraang buwan, nawiwili akong bigyang tinig silang laging nasa akmang masasawi dahil sa labis na pananalig sa walang hanggan. Silang lagi kong inilalagay sa bingit ng kamatayan upang mahuli ang iba’t ibang tonong maaaring awitin ng tao sa harap ng kawalan.

      Nagpapaka-Diyos ako sa aking mga persona.

      Inilalayo ko sila sa mababang pangarap. Pinagdaramutan ng katiyakan. Pinasisilip sa langit bago pagsarhan ng pintuan.

      Hanggang sa matagpuan ko ang aking mga tulang biglang humihinto at nag-iiwan ng maliliit ngunit malalalim na puwang, napuputol sa tila maling salita, nawawala ang tinig ng pagsusumamo at pagpapakumbaba, nahuhulog ang kaputol na linya sa kasunod na saknong upang bigyang daan ang galit at pagdududa.

      Maaari nang itakwil ang walang hanggan mula rito at iwang mag-isang nangungulila ang Diyos sa tao.

      Sa pagdasal sa tula, hubad na humaharap sa tao ang Diyos at nahihiya tayong titigan ang kaniyang kahinaan na naririto sa ating harapan, sa takot na wala na tayong makakapitan.

      Ngunit kailangang ihatid ang mambabasa sa panganib.

      Kailangan nating masawi, magambalang parang mga bubuyog na biglang pinakawalan mula sa madilim na kahon at ngayo’y gulat na humaharap sa kalawakan ng hindi maaabot na langit.

      Sa ganitong paraan lamang, na siya namang nararapat, magwawakas ang tula sa muling pag-asa:

      Hubad sa kahihiyan ang pag-ibig
      Na nilimot nalimot
      Poot itong magbabalik sa kamatayan

      Hubad sa katinuan itong panalangin ko
      Lilimusin ang katarungan
      Anumang paraan sa wakas

      Nananalig ako sa kabutihan
      Kahit sa impiyerno o maulit man
      Sa mundo makamtan ka lamang—
                       O sana sa kaitaasan.

       

Back