Poetry Issue 15

   Issue #16 : January-June 2012

Allan Popa





      Kasamang nawala ng nanakaw kong laptop ang papel na binasa ko sa Ateneo de Naga University noong October 3, 2011 na pinamagatang "Tawo sa Lipud". Nabigyan muli ako ng pagkakataon na bumalik at magpanayam doon sa paanyaya ni Kristian Cordero noong April 29, 2012 bilang bahagi ng panel sa "Pagsulat sa Labas ng Bikol" ng Pagsurat Bikolnon 2012. Bikol ang kinamulatan kong wika pero sa wikang Filipino ngayon tumutula dulot ng pangingibang-bayan. Narito ang naging tugon ko sa usapin.

      *

      Sa tulang "First Death in Nova Scotia" ni Elizabeth Bishop, ang pagkatha ang naging paraan ng batang persona para mapangasiwaan ang nag-uumapaw na damdamin sa harap ng realidad na hindi niya mapangangasiwaan: ang kamatayan ng isang taong malapit sa kanya. Gamit ang mabisang paglalarawan, nabigyan niya ng naiibang pagtingin ang pagkamatay ng pinsang si Arthur.

      Para sa isang bata, ang kamatayan ang isa sa pinakamahirap unawaing pangyayari, at sa tulang ito, ang maputlang bangkay ng kanyang pinsan sa loob ng kabaong ay nagawa niyang isama sa naratibo ng larawan ng mga maharlikang nakasabit sa dingding. Binabago niya ang realidad sa pamamagitan ng malikhaing paglalarawan. Pinaniniwala niya ang sarili na si Arthur ay isang konsorte na naanyayahang sumama sa mga maharlika sa kanilang paglalakbay. Ito ang paraan niya para mapadali ang pagtanggap niya sa kamatayan ng batang pinsan. Nangangapuhap siya ng salita, lumikha siya ng katha o fiction sa kanyang isipan, ng makahulugang kabuuhan, para mapatahan ang sarili sa harap ng bago at masakit na karanasan na maaaring bumuwag sa kanyang sarili. Ngunit sa dulo ng tula, naipakita ni Bishop na maging ang nabuong katha sa isipan ng bata ay nabigo. May bahagi pa rin siyang nais kumapit, na ayaw pakawalan ang pinakamamahal na kababata. Sa pagkabuwag ng mabuway na katha, madarama ang kabuuang dahas ng kamatayan sa pagtatapos ng tula.

      * Naniniwala akong sa kabataan nabubuo ang mga batayang pagpapahalaga ng isang tao. Wika nga, sa yugtong ito ng buhay natin miminsang tinatanaw ang mundo; ang lahat pagkaraan ay pawang alaala na lamang (Gluck). Marahil, maagang napukaw ang kagustuhan kong maging manunulat kasabay ng nabuong mga tanong at mga pinagtakhan o kinamanghaang pangyayari na lumigalig sa isipan ko noong bata ako. Ipinagpaliban ko lamang ang pag-unawa nito hangga’t hindi pa sapat ang aking pamamaraan para maisawika ang naobserbahang realidad.

      * Lumaki at nagkamuwang ako sa bayan ng Virac, Catanduanes. Dahil nasa Silangang gilid ng bansa, madalas na ang probinsya ko ang unang nakakaranas ng hagupit ng papasok na bagyo. Dahil dito nasaksihan ko ang mga pangambang idinudulot at trahedyang iniiwan ng pagragasa ng maraming bagyo, kung paanong sinisikap na pulutin ng mga tao ang kanilang mga buhay makaraan ang pananalanta.

      *

      Ang ganitong mga larawan ng pagkawala ang naging paksa ng una kong mga pagtatangka sa pagtula: pagkawala ng kabataan, pagkawala ng katinuan, pagkawala ng pag-ibig, pagkawala ng mahal sa buhay, at pagkawala ng ugnayan o pagkatiwalag mismo sa lunan ng kabataan. Katulad ng persona sa tula ni Elizabeth Bishop, wala akong naging kasangkapan kundi wika para may maisalbang kahulugan sa harap ng maraming pagkawala at kawalan.

      *

      Filipino at Ingles ang mga pangunahing wikang ginagamit ko sa pagtula. Bibihira akong magsulat sa wikang Bikol. Aaminin kong napupuwersa lamang akong magsulat sa kinamulatang wika kapag may paanyayang magpasa para sa publikasyon. Wala akong lakas ng loob na gamitin ang Bicol sa pagsusulat dahil na rin sa kasalatan ng aking bokabularyo at kakulangan ng kaalaman ko sa mayamang tradisyon ng pagtula sa wikang ito.

      Pero may mas malalalim na dahilan kung bakit mas komportable akong tumula sa mga wika sa labas ng Bikol. Nang tumungtong ako sa hayskul, kinailangan kong lisanin ang isla ng Catanduanes para mag-aral sa Maynila. Katulad ng sinumang nandarayuhan, naranasan ko ang dahas ng pagkakabunot sa pinag-ugatan at paninibago sa mga gawi at pamumuhay sa ibang bayan. Naranasan ko ang pangangailangang makibagay pero naging napakahirap at napakatagal ng prosesong ito. Nabanggit nga ni Marne Kilates sa aming kuwentuhan kagabi na ang mga Bikolano ang isa sa pinakamahusay umangkop sa wikang Filipino, halos hindi na mahahalata sa ating pananalita paglaon ang punto ng wikang Bikol. Marahil, totoo rin ito sa akin. Pero kahit na naging matatas ako sa wikang Filipino, kahit na hindi na hindi na mababakas sa aking dila ang prosesong pinagdaanan, hindi ko maikakailang ang marahas na karanasang ito ng pagkatiwalag sa kinamulatan ay nag-iwan ng malalim na pilat sa kamalayan.

      *

      Sa wikang Filipino ko unang "narinig" ang himig ng tula, ang himig na umantig sa akin at ninais kong tugunan. Nasa klase ako noon ni Rogelio Sicat sa UP. Ipinabasa niya sa amin ang mga tula ni Benilda Santos at Lamberto Antonio. Kakalipat ko pa lang noon sa kursong Malikhaing Pagsulat matapos ang magsayang ng apat na taon sa Chemical Engineering at hindi ko alam kung sa anong anyo ko nais magsulat. Sinasabi ng marami na mahirap ang wika ng tula pero nang una kong mabasa ang mga tulang inihain ni Sir Roger, tila napakapamilyar ng wikang ito. Napakadali ko itong "naunawaan.," Agad akong nagkaroon ng ugnayan sa tinig na narinig ko sa mga tulang ito. Pisikal ang sensasyon ng pagkakaantig ko, ng pagkakatinag sa kinauupuan na tila ba matagal ko na itong hinihintay na marinig. Alam na alam ko ang wikang ito at kung gugustuhin ko, makapagsasalita ako sa wika ng tula at makatutugon ako sa tinig na narinig. May kakaibang kasabikan akong naramdaman, may bugso ng mga salitang nais kumawala sa aking pagkatao. Malay ako na kapag sinimulan kong tumula, hindi na ako hihinto. Napakarami kong gustong sabihin sa wikang ito. Natatandaan ko pa ang hirap at lugod ng pagpipigil sa hindi pagsasalita sa wikang ito. Alam kong wala nang balikan ang pasyang tumawid sa tarangkahan ng pagtula.

      *

      Ang naririnig ko kapag nagbabasa ng tula ay wikang Filipino at hindi wikang Filipino, Ingles at hindi Ingles. Tila wika ito na bahagyang lagpas sa wika. Wikang nasa tagpuan ng salita at katahimikan. Wikang laging nasa pagitan. At sa aking pagtula, ninanais ko ring kumilos sa napakakitid na espasyong ito at laging tangkaing bakasin sa pahina, laging tangkang bigkasin ang ilahas na wika ng tula.

      Ang naririnig ko sa mga tulang binabasa ay himig ng matinding pangungulila at sa aking pagtula sa wikang Filipino at Ingles sinisikap kong manahan sa wika ng pagkatiwalag. Pagbabakas ito sa pamamagitan ng wika ng malalim na pilat sa kamalayan na dulot ng dahas ng pagkawala at ng paglayo. Pamamahay ito sa wikang hindi talaga akin. Hindi ko alam kung magagawa ko ito sa Bikol na aking kinamulatan. Sabi nga nila, ang wika ng tula ay kapwa nasa loob at nasa labas ng wikang ginagamit.

      *

      Sa aking pagkakamuwang sa Virac, Catanduanes, nakamulatan ko ang mga buhay na walang-malay at tahimik na itinutulak ng kapalaran sa kanilang katapusan. Masasabi kong maaga akong naging mag-aaral ng pagkawala. Madaling naging talinghaga ng malalaking usapin ng pag-iral sa mura kong isipan ang mga buhay at eksena na aking nakaengkuwentro sa bayang kinalakhan. Marami sa tauhang aking pinaksa sa aking mga tula ay mula sa aking probinsya: ang baliw na si Esperanza, ang piping tagahatak ng karo ng mga patay na si Pula, ang matadero kong ama, ang aking ina, ang mga deboto sa ritwal tuwing Semana Santa. Marahil ay marami nang tanong na bumagabag sa akin noon tungkol sa mga salimuot ng buhay ng tao at ang mga unang tulang aking naisulat ay tila mga panukala ng pagsagot sa mga ito. Ngunit ang inakala kong mga kasagutan ay naging lunsaran lamang ng mas maraming tanong.

      Mapahanggang ngayon, wala man ako roon, sinisikap kong balikan sa aking pagsusulat ang lugar na aking kinalakhan, ang sityo ng aking pagkakamuwang, ang sityo ng mga unang pagkawala. Anuman ang aking paksain, ang pagtula ay muli't muling pagdanas ng kawalang- alam, ng kawalang- laban, ng sandali ng pagdatal ng muwang, ng pagsusumikap ng wika na magpakahulugan at magpatuloy. Ayon sa makatang si Paul Celan na nagsulat din sa labas ng sarili niyang wika, "Ang tula ay nag-iisa at laging nasa landas patungo." Para sa akin ang pagtula ay pangungulila at walang hanggang pagtungo sa pinagmulan na hindi kailanman mababalikan.

       

Back