Review Issue 15

   Issue #15 : July-December 2011

Nikka Osorio



Isang Pagtingin sa May Mga Dumadaang Anghel sa Parang ni Marlon Hacla


      Nitong 2010, lumabas ang ikalawang serye ng UBOD sa pagtutulungan ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at ng Ateneo Institute of Literary Arts and Practices (AILAP). Binigyang halaga ng ikalawang serye ng UBOD ang mga akdang mula sa iba’t ibang rehiyon sa bansa. Hindi tulad ng naunang serye ng mga akdang napabilang sa UBOD na puro orihinal na naisulat sa Filipino ang mga akda, apat na kalipunan ng mga akda lamang sa ikalawang serye ang orihinal na isinulat sa Filipino. Ang walo’y sa iba’t ibang wikang bernakular.

      Bahagi ng seryeng UBOD ang unang aklat ni Marlon Hacla na “May mga Dumadaang Anghel sa Parang.” Isa ito sa apat na aklat sa ikalawang serye ng UBOD na orihinal na isinulat sa Filipino. Sa pamagat ng koleksyon, papasok na agad sa isipan ng babasa ang malimit sabihin ng mga Filipino tuwing may biglang katahimikan sa pagitan ng mga huntahan o kung anumang natural na ingay na likha ng mga tao o maging ng mga kuliglig. May dumaang anghel. Isa itong pagtatangka na ipaliwanag ang isang munti bagaman nakasanayang misteryo ng biglaang pamamayani ng hindi maipaliwanag na katahimikan. “Biglang tumahimik dahil may dumaang anghel.” At sapat na ang halos paliwanag na ito upang magpatuloy ang lahat pagkatapos ng katahimikan.

      Binuksan ang koleksyon sa tulang “Imbokasyon,” kung saan sumusulpot-sulpot ang “mo” o siyang pinatutungkulan sa pagitan ng mga ngalan ng bagay sa mahaba-habang listahan ng mga tinawag sa tula. Itong “mo” na ito ang siyang susulpot-sulpot din sa kabuuan ng koleksyon. Katunayan, sa sumunod na tula (“Alay”), naroon muli ang “mo” na siyang “binibitbit…ang mga alaala…na parang ataul sa balikat.” Sa kabuuan ng tula, nagtatalo ang salimuot ng pag-alala habang lihim na humihiling ng paglimot sa “ikaw” na pinatutungkulan sa tula. Muling lilitaw ang “ikaw” na pinatutungkulan sa tatlo pang tula sa koleksyon (“Talambuhay bilang Kuliglig,” “Dahil Minsan,” at “Ang Pag-uusap”) bagaman lungkot at panghihinayang ang pangunahing emosyong makikita sa mga ito.

      May kakaibang bigat ang mga tula ni Hacla na makikita sa kabuuan ng koleksyon. Kakaibang bigat sapagkat may puwersa ang mga tula. Itong pagpili na maging matipid sa pagsasabi ang nagbigay-daan sa pagpapaigting ng mga hindi sinabi o piniling ipinahiwatig lamang. May kakaibang bigat ang mga tula dahil sa masusing pagpili ng mga detalyeng ilalagay rito. Matipid at pili ang paglalarawan sa mga tula ni Hacla. Magandang halimbawa nito ang tulang “Portrait #1.” Sa tula, inilalarawan ang isang larawan. Sa paglalarawan nito, unti-unting nabubuo sa isipan ng mambabasa ang kabuuan ng larawan habang nagpapatuloy ang tula. Hindi tulad sa aktuwal na pagtingin sa larawan kung saan makikita agad ang kabuuan nito. “May ningning ang kaniyang mga mata/ [n]a tila sulo na hawak ng isang naliligaw” ang unang pahayag sa tula. Sa masusing paghahati sa pahayag na iyon, napaglalaruan ang damdamin ng babasa. Sa unang linya ng tula, aakalaing isang masayang larawan ang tinitingnan ng persona (“May ningning ang kaniyang mga mata”). Babaguhin agad ito ng sumunod na linya na siyang bubuo sa pahayag. At susuhayan ito ng mga sumunod na linya sa tula.

      Walang panghuhusga kung maglarawan ang persona sa tula. Masdan kung paanong inilarawan sa tula ang mga nakikita lamang at hindi na nagbigay ng interpretasyon ang persona sa maaaring nadarama o iniisip ng nasa larawan:


      Sa ilalim ng kaliwang kilay, bughaw ang kulay
      Na nilalabanan ng pula ang sugat na umabot
      Sa kaniyang tainga. Hindi matanto kung siya’y nakangiti
      Dahil nakatakip sa bibig niya ang kamay
      Na hindi kaniya. Humahalo ang buhok niya sa gabi.
      May dungis ng tinta sa pisngi. Wala siyang suot
      Na kamison at sa pagitan ng hintuturo at hinlalaki
      Ng kanan niyang kamay, nakaipit ang kaliwa niyang utong.
      Ang kanang utong ay sinakluban ng isang bibig.
      Bumitaw ang mga luha sa kaniyang mga mata.
      Ang mga luha ay humahalo sa buhok at sa gabi.

      Sapagkat walang paghuhusga sa paglalarawan, hindi idinidikta sa mambabasa ang nararapat niyang maramdaman sa pagbabasa nito. Sapagkat walang paghuhusga sa paglalarawan, dumadagdag ito sa bigat ng pagkahindik na naidudulot ng tula sa mambabasa. Dumadagdag, sapagkat nakahihindik na ang larawan, nakahihindik pa ang halos kawalang-damdamin ng pagsasalarawan dito. Sa huling linya ng tula, sa pagsasabing humahalo ang mga luha sa buhok at sa gabi, luminaw sa babasa na nilamon lamang ng dilim ang pagdurusa ng babae sa tula. Simple ang wakas bagaman sapat na upang itawid ang bigat ng sinapit ng babae.

      Sa introduksyong ibinigay ni Michael Coroza sa koleksyon, nabanggit niyang may “birtud ng pananahimik” ang mga tula ni Hacla. Masasabing tahimik ang mga tula sapagkat sa halip na tahasang sabihin ang ibig sabihin, madalas nauuwi sa paglalarawan ang mga tula—na tunay na maituturing na isang birtud ng koleksyon. Sa “Still Life Ilang Sandali Matapos ang Pagsabog,” ginamit ang mga bagay upang ipakita ang epekto ng pagsabog. Naiwasan ang pagiging madrama sapagkat una, inilihis ang pagtingin sa sitwasyon mula sa punto de bista ng mga biktima. Isang nagmamasid ang persona sa tula. Ganito rin ang estilo ng “Tungkol sa Bahay na Iniwan.” Nakasalalay sa paglalarawan sa mga bagay na iniwan ang damdaming nakapaloob sa tula. Detalye ang nagbibigay-buhay sa mga tula sa koleksyon.

      Bukod sa “birtud ng pananahimik,” magandang tingnan din ang siste ng “halos pagpapaliwanag” sa koleksyon. Sa “Diorama 54,” kung saan naroon ang linyang naging pamagat ng koleksyon, kapansin-pansin ang paglalaro sa paggamit ng katagang “may dumaang anghel.” Sa halip na sabihing may dumaang anghel, sinabing “[m]ay dumadaang anghel sa natapos na parang.” Hindi nag-iisa ang anghel. Maraming anghel ang dumadaan at tinapos sa patuloy na pagdaan nila ang tula. Kakatuwa ito sapagkat madalas ginagamit ang katagang “may dumaang anghel” upang ipaliwanag ang biglang pamamayani ng katahimikan. Sa tula, namatay na ang lahat sa “natapos na parang” kaya’t ganap na namayani ang katahimikan. At sa pagsasabing “[m]ay mga dumadaang anghel sa natapos na parang,” tila ba nagbibigay ng halos paliwanag ang tula kung bakit nagdaraan ang mga anghel. Paglalaro ito sa nakasanayang ang pagdaan ng mga anghel ang dahilan ng katahimikan. Nagkakaroon pa ng dagdag na bigat ang pahayag sapagkat tila ba sinusundo ng mga anghel ang mga “humuhulagpos na kaluluwa.” Hindi ito pagpapaliwanag sa katahimikan kundi pagbibigay dahilan sa pagdaan ng mga anghel.

      Makikita rin itong “birtud ng pananahimik” at ng “halos pagpapaliwanag” sa tulang “Portrait #3” kung saan maingat ang paglalarawan sa babaeng tinutukoy sa tula. Katulad sa “Portrait #1,” sa una’y kakikitaan ng impresyong nasa mabuting kalagayan ang babae:

      Ang pulseras na gawa sa mga tinuhog na salaginto.
      Sa kaniyang likuran, lumilisan ang mga dukakak
      Pasilangan dahil ito ang panahon ng migrasyon.

      Mababago ito ng mga sumunod na taludtod kung saan kakikitaan na ng mga tanda ng lungkot at dahas ang pahayag: “Hinahangin ang kaniyang saya pakanluran/ At ang laylayan ay nagnisnis sa sandaling pagdila ng apoy.” Sa simpleng paglalarawan sa saya ng babae, nagawang ikambyo ng dalawang taludtod na ito ang katiwasayang ipinahiwatig ng naunang tatlong taludtod. May birtud ng pananahimik ang mga tula sapagkat matipid ito sa pagsasabi at mas pinipili ang magpahiwatig. Nagkasya ang tula sa dalawang taludtod na ito upang ipahiwatig ang kailangan at nagpatuloy sa paglalarawan sa babae sa tula:

      Ang kuwintas niyang gawa sa mga tinuhog na kabibe.
      Ang mga butil ng buhangin sa kaniyang balikat.
      Ang tubig-dagat na natuyo sa kaniyang mga labi.

      Sa mga huling taludtod ng tula, sabay na lumikha ng tila misteryoso bagaman maalwang kinahinatnan para sa babae habang nasisiwalat ang tunay na sinapit ng babae sa tula.

      Sa mga oras na ito, ang mga bakawan ang magtatago sa kaniya
      Mula sa mga nais umalipin sa kaniyang alindog.
      Sa mga oras na ito, nakakuyom sa kamao ng isang lalaki
      Ang larawan ng katawan niyang hubad na lumulutang sa laot.
      Tila hinabing ratan ang mga sugat sa kaniyang dibdib.
      Ang talampakan niya’y walang tigil na sinisiil ng mga alon.

      Mula sa mga detalye sa tula, mapag-aalamang naging biktima ng karahasan ang babae at nakitang lumulutang sa dagat ang bangkay nito. Sa tula, nariyan ang kakaibang pagpapaliwanag sa sinapit ng babae kung saan sinabing tinatago siya ng mga bakawan. Sa pagkakasabi nito, tila ba ligtas ang babae. Tila inililigtas siya ng mga bakawan sa pagtatago sa kaniya ng mga ito sa “mga nais umalipin sa kaniyang alindog.” Gayunman, magkasabay ang pagtatago sa kaniya ng mga bakawan sa pagkuyom ng isang lalaki sa “larawan ng hubad niyang katawan na lumulutang sa laot.” Sa paglagay sa mga katagang “[s]a mga oras na ito” sa dalawang taludtod sa tula, naipakikita ng tula na sabay umiiral ang dalawang pangyayaring ito. Sabay na tila ligtas at hindi ligtas ang babae. Hindi na magpapaliwanag pa ang tula bagaman sa dalawang huling taludtod, mananaig ang imahen ng hindi pagiging ligtas ng babae. Nariyan ang sugat sa dibdib at ang “walang tigil na sinisiil [siya] ng mga alon.”

      Marami sa mga tula ang kakikitaan ng pagkiling sa sining-biswal. Nariyan ang serye ng mga Portrait (“Portrait #1,” “Portrait #2,” at “Portrait #3”), Diorama (“Diorama #1,” “Diorama #26,” “Diorama #50,” “Diorama #52,” at “Diorama #54”) at maging ng mga ekphrastic na tula sa mga obra ng ilang tanyag na pintor at eskultor na bukod kay Juan Luna, nagmulang lahat sa Kanluran (“De Sterrennacht, Vincent Van Gogh,” “Spoliarium, Juan Luna,” “La persistencia de la memoria, Salvador Dali,” at “La Toupie, Hans Bellmer”).

      Sa mga tulang ekphrastic sa koleksyon, kapansin-pansin na isinasangkot ng persona ang kaniyang sarili sa tula. Sa “De Sterrennacht, Vincent Van Gogh,” ang tanyag na pintor ang ipinagpapalagay na persona. Gayunman, kahit na ipinagpapalagay na si Van Gogh ang persona, hindi ito hayag na hayag sa tula. Malaking dahilan na siguro ang hindi pagkakaroon ng matibay na patunay na may iniibig ang pintor sa mga panahong namalagi ito sa asylum. Dahil dito, nagiging bukas din ang tula sa pagbasang maaaring hindi si Van Gogh ang persona kundi isang umiibig na nawawala sa kaniyang katinuan. Isang paanyaya ang tula sa iniibig na humilig sa balikat ng persona at “panoorin ang paggulong/ ng kalawakan.” Mahusay ang pagkakagawa sa tula sapagkat kahit pamagat na nito mismo ang tanyag na obra maestra at ang maestro, humuhulagpos dito ang persona. Nagkakaroon pa rin ng kalayaan na maging isang simpleng mangingibig na nahihibang sa labis na pagmamahal habang nananatiling bukas sa posibilidad na siya ang pintor na si Van Gogh.

      Katulad ng “De Sterrennacht, Vincent Van Gogh,” mapapansing isinasangkot din ng persona ang sarili sa tula sa tatlo pang tulang ekphrastic sa koleksyon. Sa “Spoliarium, Juan Luna,” nariyan ang persona na tinatanggap ang mga pasakit sa pag-asang patatawarin ng minamahal. Sa “La persistencia de la memoria, Salvador Dali,” “…bumabalik ang oras/ [u]pang hanapin ang mga mukha/ [n]g mga bagay na lumipas” para sa persona. Nariyan ang pagtataksil, ang pag-iisa at ang pag-asa sa paglimot. Sa “La Toupie, Hans Bellmer,” may kausap ang persona sa tula. Wari ba, inuusisa ang ginagawa niyang pagtingin at ang ilang bagay tungkol sa tinitingnan. Sa mga tulang ekphrastic sa koleksyon, tila nangungusap ang persona sa pamamagitan ng mga likhang-sining na pinili. Sa halip na pagsalitain ang obra, siya ang nakapagsasalita sa pamamagitan ng pagtula sa piniling obra. Ito marahil ang dahilan kung bakit sa pagbasa sa mga tula, hindi maitatatwa ang katapatan na nakapaloob sa kanila.

      Sa pangkalahatan, naging magandang katangian ng koleksyon ni Hacla ang epektibong paglalarawan at pagpili ng mga detalyeng ilalagay sa tula. Sa pamamagitan nito, nagkaroon ng angking katahimikan ang mga tula na nabubuo sa pagtatalaban ng mga tahasang sinabi at ipinahiwatig lamang. Bagaman may angking bigat ang ilang paksa sa koleksyon, laging kakikitaan ng hinahon ang tono ng mga tula. Iniisip kong marahil dulot ito ng pagpiling mauwi sa paglalarawan, sa pagturing na birtud sa katahimikan, at sa pag-uwi sa halos pagpapaliwanag ng mga pahayag sa koleksyon.