Free Association Issue 15

   Issue #15 : July-December 2011



      Is the writing of poetry teachable?


      How do you present poetry, as a subject, to students/mentees or poetry enthusiasts?
      What are your experiences in teaching the writing of poetry?
      How do you see the writing of poetry being taught outside the academic and workshop setting?
      Do you believe that there is an effective teaching style or template one can use in teaching the writing of poetry?





      Marijoe Monumento


      1. Ang karaniwan kong nakakasalamuha sa mga talakayan tungkol sa tula ay mga “estudyante ng tula” dahil gusto nilang ipahayag ang mga saloobin at mithiin nila sa malikhaing paraan. Kaya ang pagtula o pagsulat ng tula ay isa lang sa napakaraming posibleng anyo o pamamaraan. Nagsisimula ang talakayan sa kung ano ang pagkakakilala nila sa tula—halimbawa’y mula sa salaysay ng matatanda, mula sa mga bugtong, mula sa karaniwang libro o babasahin, sa mga pagtatanghal sa eskuwelahan o komunidad, sa mga palabas o narinig sa radyo, at iba pa. Bilang paksa, umiinog ang talakayan sa praktikal nilang karanasan, sa mga anyo ng tula na pamilyar sa kanila, at sa mga popular o huwarang anyo at halimbawa na maaaring makatulong upang maging epektibo para sa kanila ang tula bilang anyo ng pagpapahayag.

      2. Mula ang karanasan ko sa pagiging manggagawang pangkultura sa pambansa-demokratikong kilusan, kaya kakaiba ito sa pagtuturo ng tula sa loob ng paaralan, o sa paglahok sa mga establisadong palihan (workshop) na naranasan ko rin noon bilang estudyante ng panitikan. Lalo na sa karanasan sa paglahok sa kilusang magsasaka sa kanayunan, ang pinakakaraniwang anyo ng palitang-kuro tungkol sa tula ay makikita sa umpukan—sabihin nang ispontanyo, impormal, at maaring nagsimula o tumungo sa iba’t iba pang paksa bukod sa tula. May mga pagkakataon din na nagkakaroon ng iskedyul ng “pormal” na palihan. Madalas na komplementaryo ang mga palihang ito sa pagpapasigla sa mga mayor na kampanyang masa sa erya gaya ng kampanya sa literasiya at numerasiya, o sa pagpapayaman sa gawaing pangkultura sa mga baryo. Iniuugnay ang pagtula sa mga isyung pulitikal gaya ng pagpapakilos para sa Araw ng Karapatang Pantao o sa kampanya sa eleksyon; o di kaya sa pang-ekonomiyang pakikibaka gaya ng kampanya sa pagpapataas ng produksyon, o pagpapataas ng presyo ng produkto ng mga magsasaka, at iba pa.

      Sa ganito, karaniwan din na hindi istriktong “pagsulat” ng tula ang nahuhulmang produkto sa mga talakayan at palihan. Hindi hadlang sa pagpapahayag ang limitasyon ng mga kalahok sa aktuwal na pagsusulat, na karaniwan sa mga magsasakang babad sa produksiyon at ang iba ay ni hindi nakatuntong sa elementarya. Sa karanasan ko ay nakita ko ang praktika ng masa mula sa kolektibong paglikha ng tula hanggang sa mabilis na pagpapalaganap (popularization) ng mga akda sa pamamagitan ng pagbigkas o mga pagtatanghal sa mga pulong-masa o mobilisasyon, o kaya sa paglalathala ng mga ito sa mga polyeto at publikasyong-masa.

      Isang mahalagang elemento ng ganitong proseso ng pagkatuto ay ang lugar ng panunuri o kritisismo. Nahahalintulad ito sa praktika ng “pagpuna-at pagpuna-sa-sarili” na sa kasaysayan ay ginamit at ginagamit ng mga aktibista at rebolusyonaryo upang paunlarin ang kanilang pampulitikang gawain. Sa kaso ng paglikha ng tula at iba pang likhang-sining, inilalapat ang payak na praktika ng panunuring masa mula sa paglikha hanggang sa pagpapalaganap. Masigla at mabunga ang praktikang ito sapagkat prinsipyado at hindi lamang nakaangkla sa makasariling nosyon o aspeto ng “self-expression”—bagamat sa aktuwal ay ang pagbasag sa pagiging kimi, o ang pagiging palagay sa pagpapahayag sa sarili ang isa sa mga unang dapat matutunan ng mga kalahok.

      Layunin lamang ng kritisismo na maseguro na magiging epektibo o mabisa ang tula at iba pang anyo ng likhang-sining sa matalas na pagpapahayag ng mensahe sa mambabasa o manonood. Dinamiko ito at umaangkop sa partikular na mga kalagayan at partikular na mga layunin. Makikita ang pagiging mabisa ng isang akda sa kagyat na praktika—paano nakatulong ang mga piyesa upang maunawaan ng masa ang paksa o bitbit nitong isyu? Paano ito nakatulong upang maging masigla ang partisipasyon ng masa sa kampanya? May kinakailangang balanse sa talas ng mensahe at antas ng kasiningan na kayang makamit, kaya ibayong napapaunlad ang pagkilala at paglikha ng tula bilang isang malikhaing anyo. Diyalektikal ang pagkatuto sa aspetong pulitikal at aspetong pansining. Gayundin, sa karaniwan kong papel bilang “tagapagpadaloy” (facilitator) ng mga palihan, higit sa tula sa tingin ko ay mas marami akong natutunan mula sa mayamang buhay at karanasan ng masang magsasaka.

      3. Ang pagtuturo o pagpapalaganap ng tula sa labas ng akademya’t mga estabilisadong palihan ang pag-asa ng tula upang patuloy na maging dinamiko at makabuluhang anyo ng panitikan para sa mas marami. Halimbawa nito ang pagiging epektibo ng nabanggit kong mga palihan sa tula sa kanayunan na mahigpit na nakaugnay sa kilusang magsasaka. Wala itong pretensyon o ilusyon na makipagkumpitensya sa produksyong pampanitikan sa akademya o sa laganap na sistema ng paglalahathala ng tula na nakasentro sa mga siyudad. Ngunit ang dominanteng kalakarang ito sa panulaan, sa sining—at sabihin nang sa kabuuan ng namamayaning burgis, piyudal at kolonyal na kultura sa lipunang Pilipino—ang siya mismong binubulabog ng ganitong praktika. Pansinin na sa pangkalahatan ay hindi maikakaila ang puwang nito sa kasaysayan ng panitikan sa bansa.

      Bagamat kinukutya ito ng iba dahil sa palagay na magaspang o hilaw ang anyo o pagtula relatibo sa kanilang mga pamantayan, sa kabilang banda naman ay naitutulak ang akademya upang pag-aralan ang ganitong moda ng produksyong pampanitikan sa kanayunan dahil na mismo sa dinamiko nitong katangian—pinananatili nitong buhay ang tradisyon ng tula sa masa gayundin ang iba’t ibang anyo ng berso sa kanayunan mula sa iba't ibang rehiyon gaya ng salidummay, dung-aw, tigsik, rawitdawit, luwa, ismayling, composo, tanaga, ambahan, at iba pa. Nailalakip sa mga tulang ito ang mahahalagang kontemporanyong usapin o isyu bilang paksa, sa pamamagitan ng pagsipat na progresibo o rebolusyonaryo. Makabuluhan ang praktikang ito hindi lang dahil sa puwang nito sa mga aklat at pag-aaral ng panitikan. Makabuluhan ito dahil sa buhay ito, masiglang nagpapatuloy at umuunlad kasabay ng pagsulong ng pambansa-demokratikong pakikibaka ng mamamayan.

      Sa siyudad at sa hanay ng kabataan, may malaking potensyal din ang kasalukuyang popularidad ng mga makatang “hip-hop.” Kilala sila ngayon sa tinagurian ng ilan na “modernong balagtasan,” halimbawa, sa Fliptop Battle League na laganap ngayon sa internet. Nabalitaan ko na ang ilang aktibistang rap artist gaya nina Kiwi, BLKD, Lanseta, KJah at Kahir ay nakapaglunsad na ng mga palihan sa tula sa ilang komunidad sa siyudad. Ang ganito, sabihin na natin, ay patok at matulaing pagsipat sa mga iba’t ibang isyu gaya ng demokratikong karapatan ng mga maralita at iba pang progresibong sektor sa lipunan. Isa lang ito sa marami pang posibilidad para sa tula.

      Ang ganitong praktika ng pagtula na humuhulagpos sa mga batas at kumbensyon na karaniwan sa akademya, ay mahalagang bahagi ng isang rebolusyong pangkultura. Hindi lamang ang “tula” bilang anyo ang pinalalaya nito. Kasabay nito ay nagiging makapangyarihan, dinamiko at makabuluhan din ang pagiging “makata.” Isang mabuting bagay para sa mga mambabasa at tumutunghay ang paglaganap ng mga tula na nagiging katuwang nila sa pagharap sa tunay na buhay.

      4. Upang maging epektibo, kailangang laging umangkop sa bakgrawnd, sensibilidad, kakayahan, at layunin ng mga kalahok sa mga palitang-kuro o palihan tungkol sa tula.




      Romulo Baquiran, Jr.


      1. I tell them it’s a craft, much like learning carpentry or weaving, only the materials used are words and the skills required depend much on learning the intricacies of language (which I assure them they already know). One important thing students must grasp is that imagination and the rhetorics go together. One is primarily inherent while the other can be honed. They are mutually enriching, meaning as they master rhetorics the imagination is also challenged to widen its territory. This is a running lesson in my class. I believe that when this basic insight is learned, the students are provided with portal into the inner working of the poetic mind. Some students seem to understand it right off while others do not have an inkling what is this all about, even at the end of the semester. One important factor is the student’s desire to learn poetry avidly. If this is not present, whatever fantastic analogy is used to entice them about the craft, nothing will happen. This could be so frustrating for the mentor. So much so that a single talent in one class is enough to make the whole creative writing course a justified effort.

      2. In the early part of the semester, I let them do finger exercises: rhyme and meter principles, symbol game, non-sense verse making, even crayon drawing. Sometimes I still use these if the class is composed of total newbies, just to tickle their elementary minds. But the moment I have sufficiently made them move out of the literal mode of thinking, I make them realize that a poem is one of the most complex expressions of the intellect and feeling. Workshops and relentless commentaries on individual works are performed. They are told to do intensive readings on literary theory, writers’ biographies, poem anthologies, and related texts. The non-interested students consider it as drudgery, and write comments like “Bakit na lang kasi hindi pasulatin ng tula” on the teacher evaluation form. But I believe I am doing the right thing. A serious writer-to-be just have to know all these things. Or else she/he will never succeed in this career.

      3. It must be just as rigorous as in the academic setting. It is more difficult because the opportunity to teach an interested group/individual must be performed in a one-time-big-time style or a very short duration. But the seed sown in such a setting can be life-changing for the participants.

      4. For as long as it encourages the understanding of how the poetic mind works, it is acceptable in my opinion.




      Kristian Sendon Cordero


      Sa pagtuturo—may suhestyong kailangang magbigay ng direksyon ang tagapagturo. Itinuturo niya ang inaakalang tama at makatuwirang daan. May etikal na atas na kailangang ginagabayan ang mag-aaral sa pagtahak ng romantikong landas, sa isang maligalig na adbentura patungo sa inaasahang kaukulang lugod at pagtatagumpay ng balikatang guro at estudyante. Pamilyar ang mga imahen ni Juan Bautista habang itinuturo sa kanyang mga alagad ang sinasabing kordero ng Diyos. O kaya’y si Virgil na kasamang naglayag ni Dante patungo sa Infierno hanggang sa Paradiso. Paano ang tula, magagamit bang mapa sa eskuwelahan ang “isang pumpon ng mga salita” patungo sa isang epipaniya o sa isang pagbabagong-loob katulad ng abiso sa isang soneto ni Rilke: “Du mußt dein Leben ändern” na kailangang baguhin ang buhay ng sinumang nais tumunghay sa kabuuan ng tapyas na pigura ni Apollo?

      Sa pagtuturo ng panitikan at humanidades sa isang unibersidad dito sa Bikol, hindi na bago sa akin ang makita at maramdaman ang ilang pag-aalinlangan at tahasang pagtutol ng mga mag-aaral sa pagbibigay ng hinihingi kong atensyon sa pagbabasa ng mga tula sa aming klase. Ngunit sa kabila ng dominanteng pagtanggi dahil sa kawalang-silbi di-umano ng panitikan o sining sa kanilang mga larang, nananatili namang bukas ang marami sa pagtanggap ng kung ano ang maaari nilang tunghayan at gawing mga saligang bato tungo sa higit pang malalim na pagkilatis ng at pag-unawa sa mga nasabing akda. Binubuksan ang klase sa pagbabasa ng mga klasiko hanggang sa mga kontemporanyong akda, sa Ingles, sa mga salin sa iba pang dayuhang wika hanggang sa mga tulang nakasulat sa Bikol, Tagalog, Hiligaynon, Sebwano, at iba pang wika sa Filipinas. Hindi laging nagtatagumpay ang guro sa kanyang intensyong maghain ng mga panibagong pagdulog anuman ang teorya at metodong gamitin, o hikayatin ang makapangyarihang pagbabasa at paglilimi, at pagkilatis ng pandama at kaisipang nakapaloob sa mga akda. Ngunit may isang impetus sa akin na nagsasabing kailangang gawin ang mga bagay na ito lalo pa’t may mga ipinagkakaloob namang mga biyaya ang pagtuturo ng tula, na lalong humihimok sa akin bilang nagmamakata at guro. Malaking bagay sa akin kung naipapakita ng guro ang kalinangan ng ating mga wika, lalo na ang rekognisyon sa mga wika ng Bikol at kung paano mula sa kanilang mga wika, tumutunghay din sila sa ibang mga akda mula sa iba pang panig ng daigdig. Maluwat sa loob ang akayin ang bawat isa patungo sa iba’t ibang mundo ayon sa kanya-kanyang salita, ang mga nananahang posibilidad sa bawat akda, at ang dunong at galing ayon na rin sa kung paano pinili at hinahanay ang mga piling salita. Maaaring nagtutunog relihiyon na nga ang pagtuturo ng tula, ngunit baka nga, talagang ganito naman talaga ang hinihingi: ang magkaroon tayo ng debosyon sa salita, isang debosyong hihimok sa atin na pansinin at tugunan ang iba pang tinig, ang ikaw sa wika.

      Sa ganitong sitwasyon, naniniwala akong kailangang ituro ang tula, galugarin ang laberinto nito, at atas ko sa sarili na sa pagtuturo ng tula, kailangang maituro ng itinuturong tula ang marami pang mga tula. Kailangang ituro ang tula lalo na sa panahong ito na naglipana pa rin ang mga pinira-pirasong berso ni Joyce Kilmer na nakasabit sa poste at mga puno ng akasya kasama ang mga pugot na ulo ng mga pulitiko.




      Luna Sicat-Cleto


      1. May isa akong naging kaklase sa Film noon, circa 1980s. Nagsunog siya ng tatlong bagay sa harap ng mga kaklase namin, the point being, alin sa tatlong bagay na iyon ang pinaka-maaantig kami: buto (ng kinain niyang fried chicken sa canteen bago ‘yung subject), pera (50 pesos), at rosas (may hamog pa yata, long-stemmed, pula). Wala namang pumalag noong naglabas siya ng lighter at nagsunog, naabo ang pera, ang rosas, at bahagyang nangitim lamang ang buto. Parang linalanggam ang lahat nang sinunog na niya ang pera—na anya’y isang reaksiyon na kanyang inaasahan. Nang tinanong niya kung may nalungkot sa pagsunog niya ng rosas—walang nagtaas ng kamay. Gusto ko sanang magpakatotoo, pero hindi ko sinabi. Para bang social suicide pag ibinunyag ko ang totoo kong reaksiyon. Years later, ito ang naalala kong imahe sa tanong na How do you present poetry as a subject. Dahil ang tula, ang pagtula, ay parang pagsusunog ng talulot at tangkay ng rosas sa harap ng maraming tao at walang makapalag sa pagkasunog nito. Dahil ang tula ay ang pagmamasid at ang madalas na paglunok sa mga maibubulalas sana, na lumilitaw na lamang bilang mga “estetikong” katahimikan. Madalas rin, ang tula ay nagpaparamdam bilang hanging dumadaan, para kang nabulungan ng kung ano, na kung hindi mo isusulat, panghihinayangan mo ang sandali ng pagdaan ng hanging iyon—dahil ikaw rin ang hanging ito.

      2. Pinakamasaya sa karanasan ko bilang guro ang pagtuturo ng tula—lalo na kung makikita ng estudyante na kaya niyang tumula. Noong mas bata pa akong guro, ang pagtuturo ko ng tula ay mas mapangahas. Mas diniriin ang proseso bilang act of self-discovery. Mapalad din ako na ang mga kabataang naging estudyante ko’y mga iskolar ng PHSA. Second nature sa mga batang ito ang pag-iisip na metaporikal, at walang exclusivity ang kapasidad na ito para sa CW majors. Ibang bagay ang pagtuturo ng mga estudyante sa kolehiyo na iba’t iba ang mga kursong pinanggagalingan. Natuwa ako nang matuklasan kong maaring sumibol ang talento sa mga kursong mas may kiling sa siyensiya, o social sciences. Kung minsan pa nga, nadadaig ng mga ito ang mga CW o MP majors. May natuklasan rin akong magandang epekto ng pagpapabasa muna ng maraming mga akda. Pag-uusapan lang muna ang mga tula—tugma’t sukat, pananalinghaga, mga diskurso na tumatalakay sa autobiograpiya bilang materyal, anong nailalapat na lalim sa tula ng pagbabahagi ng opinyon ukol sa lipunan, ekonomiya, politika. Maingat kong ginagabayan ang pagbabasa, iginagalang ko ang matatapat na reaksiyon.

      3. Mainam kung makakaalpas ang pagtuturo ng pagsusulat ng tula sa labas ng akademya, sa labas ng workshop setting. Mainam in the sense na theoretically, maibabahagi ang pagkalugod sa tula hindi lang sa mga mag-aaral o sa mga literary aspirants. Pero hindi ko pa ito nasubukan. Siguro, limitasyon ko rin bilang guro na classroom o workshop setting lang ang aking naranasan. Pero open ako sa pagsubok na gawin din ito sa labas ng parameters na may grado, may readings, at may talakayan. Kasi maaari rin na ang pagtuturo’y nasa isang kaligiran na hindi tiyak ang posisyon ng guro, estudyante, klasrum. Natututo rin ako sa aking mga natuturuan, higit pa nga nilang nahahasa ang aking pandama, at kaluguran sa tula.

      4. Mabisa para sa akin na ang pagtuturo ng tula’y nagaganap sa isang malayang espasyo. May gurong bukas ang pag-iisip, gayundin ang mga estudyante. Ang palitan ng mga ideya’y may malusog na entropy—hindi ito higupan ng enerhiya na one-way. Mabisa rin kung naitatala ang mga natutuklasang insight sa tula na hindi na saklaw ng mga textbook/writing manuals. Cheesy mang pakinggan, ang tula ay nananamnam lang ng isang kamalayang marunong ding magmuni, ng kamalayang hindi takot humusga at mahusgahan.