Nalula sila sa paglalim
ng langit matapos ni Howard pangalanan
ang mga ulap. Iba’t ibang ulap
na hindi nila noong una makita
mula sa kabuuan
ng langit. Paminsan-minsan
hinahanap nila ang mga bituin
na inagawan ng liwanag
ngunit hindi pa nila alam kung ano
ang nagbunga—nang kumapal ang dilim
at natapakan ang buwan,
sapat na ang gabi
ang itawag sa kalawakan
ng pag-iisa
ng sari-sari nilang mga anino.
Sa araw, nagsimula silang maghanap
ng mga panibagong tatawagin:
mga elemento, mga bato,
lugar, anak, asawa, mga labi
ng sinaunang uwak, ng ahas. Bago ang lahat
hindi sila napapatda sa kung ano
ang hindi mapapangalanan.
Isa ako sa mga naghukay
at naghukay hanggang dumami
ang mga katanungan
na walang tiyak ang kasagutan.
Naramdaman kong lumalapit
kami sa hindi malalaman
ninuman. Isa ako
sa mga hindi nagdilim ang paningin
o naliwanagan, o nawalan ng pandama
kinalaunan sa paglaki nito.
Nilibot ko ang lungsod,
kinalimutan ang mga pangalan
at liko ng kalye, nang maligaw
ibinulong ko sa isang bote
ang aking apelyido bago ito
binasag, nanlamig ako
sa ulan. Ngunit hindi ito sapat
na kabayaran, mayroon pang
kailangang mawala
mula sa mga tala
at saysay at mga aklat.
Pumunit ako ng pahina,
isinulat ang natitira
kong pangalan at sinilaban ito.
Kumapit sa ’kin ang apoy, at tahimik
kong hinintay ang dahan-dahang
pagkalat, walang init o lamig
ang pagsanib sa walang kaalaman.
Bago ako maupos, may dumungaw
mula sa isang bintana at sumigaw,
sinubok niya akong tawagin, wala
siyang nahanap ni isang salita.
May pagtila. Lumiwanag,
pagaan nang pagaan ang mga ulap.