Poetry Issue 13

   Issue # 13 : July - December 2010

Roy Cuesta, Jr.



Caracoa


      Ganito ko inaaral ang mga salita, palaging sa ibig sabihin,
      sabihin na natin na noon ay wala akong dila, mayroon lamang
      akong inang may nunal sa talampakan at mahilig mangibayo.

      Sinisubo at nginunguya niya muna ang mga gubat, bunrok
      at burol at tinatawid ang mga pil-as hanggang sa lumambot
      na parang hangin. Pilas na bangin ang dagat para sa kanya

      at hindi lamang tubig kundi tubi, alon, balon, hamog,
      himig at ang lupa ay balas, bato, buhangin, hangin, hininga
      ginhawa. Itinuturo niya ito sa akin na parang sundang

      na sasaluin. maliliit at makakating kagat ang kanyang kurot
      ngunit isa-isa niyang pinupulot ang mga pulahan at ituman
      at isunusuksok sa pagitan ng kanyang ngipon at ngala-

      ngala bago niya iluwa ang mga pispis na matatalim at matutulin—
      talimbabatang—Ang langgam dito ay lumilipad ngunit doon ay gumagapang.
      Binibilad at dinadaing niya ang pating hanggang maging alat ang langsa

      ng dugo at itugpo ng kanyang lalamunan ang mga kalapating puti
      at itim—Ang pating dito ay lumilipad ngunit doon ay lumalangoy.
      sa kanyang pag-uwi, Laging may dala siyang supot ng hangin na sa akin

      ay ipapainom. pipisilin niya ang aking ilong hanggang sa habulin ko
      ang hininga at mapuno ang aking baga, hihintayin niyang aking isuka
      ang tunog na parang mga balahibong araw-araw niyang iniipon,

      hindi para gawing unan, kundi para makalikha ng sanlaksang ibon.
      Tatawagin niyang bulkan ang balud, ang araw bilang kalayo
      ang hangin bilang punyal at ang sagwan bilang mga dilang

      susubok, tutungkad sa lalim ng kumunoy ng mga kahulugan.
      sa ganito ko natutunan ang panahon at panahunan: hidlaw, mingaw,
      alala at alaala. Kasing haba ng buntot ng hikbi ang aking memorya,

      katulad ng ibang mga bata sa bakolod, ang bawat pag-alis ay kasabay
      ng paniniwalang may darating na bagay na isasaloob, sasauluhin.
      Sa ganito ko guin-aral ang lahat, parang isang mahabang paghihintay

      sa wala, kasama ang inang umaasa din sa mga bagay na umalis
      at hindi na magbabalik dahil hindi lahat ng sinasabi ay sumpang
      tutupdin. Sa pangungusap ko natutuhan ang mga salita.

      Sa paglalakbay ng Ina ay nasaksihan niya umano kung paanong
      ang salita ay mailap na bana. Kapag natutuhan ay nagpapahiwatig
      ngunit bigla ring nagkukubli. Sa pagtatanong natutuhan ang sampalataya—

      Paano maaangkin ang mga bagay na pinag-aralan lamang?