Letter Issue 12:3

   Issue # 12:3 : January-June 2010

Joseph de Luna Saguid





      Ang High Chair Issue 12 ay isang bagay na tunay ninyong pinaghirapan at patuloy na pinaghihirapan sa pamamagitan ng pangangalap ng mga kontribusyon at ng pagpoposisyon ng espasyong ito bilang pook-tunggalian ng napakaraming interogasyon hinggil sa papel/silbi/pagkabahagi o pakikibahagi ng sining (lalo na ng salita) sa pagtugon sa Ampatuan massacre. Ngunit bagamat pinaghirapan at patuloy nga ninyong pinaghihirapan, bilang mga patnugot, ang HC Issue 12 tulad ng sining na ating ginagawa (halimbawa: libro), hindi ko maiaalay kailanman ang bating Congratulations sa inyong dalawa dahil tiyak kong wala ni isa man sa atin ang ninais ang pangyayaring ito: hindi natin ito pinangarap.

      Sa halip, ito: salamat. Naalaala ko ang unang saknong ng tulang “The Grieving Ring” ni Naomi Shihab Nye:

                When word of his death arrived
                we sat in a circle for days
                crying or not crying

      at naisip na ganito ang naging damdamin natin para sa 57 (tiyak ba ang bilang na ito?) na taong pinatay sa Maguindanao: Maaaring umiyak tayo dahil hindi madalumat ang karahasan at kasamaan na kayang gawin ng tao laban sa kapuwa ngunit maaari din namang may mga panahong hindi na tayo tumatangis o lumuluha man lang dahil nga “...Maguindanao comes to us through third-hand reports, encrusted in the dirt and detritus of legalese...” at hinog na hinog ang ating pagdududa sa bukambibig ng mga sumasala ng batas at balita.

      Hindi natin ginusto na maging malayo sa karanasan ng karahasang ito. Maaaring iisantabi lamang ng karamihan ang mga sanaysay at tulang nasa HC 12 dahil sa duda sa tugon o sa tangkang pagtugon ng tao sa pamamagitan ng sining—ng isang gawaing makasarili at napaka-pribado ang proseso—sa ganitong pangyayaring napaka-publiko at hindi maaaring hindi mapag-usapan ng mga tao.

      Ngunit hayaan ninyong sabihin ko na sa layong ito, sa agwat (na hindi natin hiningi) mula sa pangyayaring ito, bumukal ang isang pagkukulang sa ating kalooban, sa ating katawan, sa ating sining. Bumukal ang pagkukulang na ito at tinawag tayong muli upang umupo, upang tumahan at gawing espasyo ng pagluluksa ang kani-kanyang pahina, ang kani-kanyang isipan. Oo, dahil abala tayo, nagkulang tayo sa pagluluksa para sa napakaraming karahasang nagaganap sa gilid ng araw-araw nating pag-iral. Ngunit narito tayo at nakapabilog sa mga pahina ng HC 12, tumatangis o hindi tumatangis, kay talas ng pandama at pakiramdam. Maisusulat natin nang paulit-ulit: laging may pinto bago ang bawat desisyon (gaano man kanipis ang kahoy). Makapagsusulat tayo hanggang magsakatawan ang salitang pinto at sa pagharap dito, mauulinigan natin ang tawag ng paghinto, ng sandali, ng dalawang-isip. At kung magkagayon, ma(pang)hahawakan ang salita. Muli: Salamat.