Poetry Issue 12:3

   Issue # 12:3 : January-June 2010

Oliver Ortega



Hamlet


      Puno ng pagdurusa ang pagsasalita

      Hindi ako makatulog

      Hindi ako makatugon sa pader ng tanong

      Hindi ako makasagot kahit simple ang tanong

      Paulit-ulit ang mga tanong

      Ilanlibong boltaheng tanong

      Isang timbang tubig na tanong

      Itim na plastik sa ulo ang tanong

      Hindi ako makahinga

      Instrumento ng tortyur ang tanong

      Binubugbog ako ng mga tanong

      Anong maisasagot bago ang hininga’y malagot

      Pagsasalita ang kinakailangan

      Ilang salitang makapagpapalaya

      O bulag na pagpapaubaya

      Ang pag-amin ang ekstraksiyon ng amen

      Sa patlang ang buntong-hininga

      Sa dilim ng isip ang tinig ng konsensiya

      Ang ilusyon ng mundo sa labas

      Aliwalas ng araw-araw na lumilipas

      Nagdadalawang-isip ang isip

      Ang una’y hinagap ang ikalawa’y naghahanap

      Oyayi’t kundiman

      Kundi man laing at tuyo

      O orkidya sa kabundukan

      Mahalinang ambisyon mapanganib ang bisyon

      Dumuduro ang daliri sa sapot ng gambala

      Hindi malirip

      Hindi mawawaan

      Ang dulo ng dulo sa bigwas ng pendulo

      Ng kahoy ng tubo ng kamao

      Sa ulo sa likod sa tagiliran sa hita sa batok

      Sa sikmura pasakit na hindi masikmura

      Bawat palahaw nakagigimbal na mura

      Sa pagsasanay ng katawan sa walang-katuwiran

      Sa balanse ng hustisya ang hustisya

      Wala sa sentro

      Nawawala ang sentro

      Hindi ako makatayo

      Hindi ako makatulog

      Mula sa loob may nagpinid ng bintana

      May nagpatay ng mga kandila

      May paparating na bagyo

      Ang multo ng hinaharap

      Ang kagandahang ayaw pag-usapan ang panaginip

      Ng kagandahang ayaw pag-usapan

      Usap-usapan ito ngayon

      Dito dito mismo

      Sa yungib sa dibdib ng lungsod

      Sa bagong Lungsod ng Tao

      Ang makatao na hindi makatao

      Sa panahon ng Dakilang Libro

      Ng salitang higit pa sa salita

      Ang monumento sa kadakilaan ng tao

      Testamento sa kadakilaan ng bisyon ng tao

      Habang sa labas ang tagapaghatid ng balita

      Ang nangamatay sa araw-araw

      Hindi na ito bagong balita kahit araw-araw ito ang bagong balita

      Pagpapanibagong-hugis pagpapanibagong-bihis

      Ng di-pangkaraniwan bilang karaniwan

      Ng katawang sinasanay sa walang-katuwiran

      May daliring dumuduro sa sapot ng gambala

      Walang nakaliligtas sa salakay ng konsensiya

      Sa pagbabalanse ng hustisya

      Kung magpapaubaya kung magtitiwala

      Walang mawawala kung maniniwala

      Parating may bagyong paparating

      Natural lang na ang isara ang bintana