Essay Issue 12:2

   Issue # 12:2 : January 2010

Louie Jon A. Sanchez



Fragmentos: Ang Tugon ng Sining


      Palaging may tugon ang Sining. Sa lahat marahil ng mga nilalang, siya ang pinakamaraming opinyon sa mga bagay-bagay. At hindi rin siya maaaring mapatahimik. Ang kaniyang tanging birtud, ang wika, ay laging nagsasalansan ng balarila ng bigkas. Sinabi nang minsan ng isang butihing makata na pupungas-pungas na bumabangon sa umaga ang wika, humaharap at namamalas sa salamin ang dalawang salalayan ng kaniyang kapangyarihan—imahen at salaysay. Ang bawat umaga’y talinghaga ng kung ano ang pumupukaw sa wika, sa araw-araw na pag-iral, o sa bawat kibot ng kasaysayan. Palaging may tugon ang Sining dahil sa wikang angkin nito. Katuturan niya ang pagbigkas. Kung hindi niya isasalaman/isasalamin ang namamalas sa rabaw, tinatalikuran niya lamang ang kaniyang pag-iral.

      *

      Isang umaga: kausap ng heneral ang midya, inilalatag sa mesa
      ang larawan ng rimarim. Ewan ba kung bakit bigla yatang bumulong
      ang paboriting makata sa aking tainga, muling pinagsalaysay ang Koronel
      mulang El Salvador. Naparam ang mga salita ng heneral na kinukuyog
      ng maraming mikropono’t tila ba hinahabol ang pahina nang pahinang tinig.
      Upang makalap lahat ng natitirang bigkas, hindi napansin ng mga mamamahayag
      Na nililipad na ng hangin ang mga larawang inihain ng heneral sa mesa.
      Maganda para sa iyong tula, hindi ba? biglang bulong ng Koronel,
      habang muling bumabalik sa gunita ang imahen ng nangaglaglag
      Na pinatuyong pingas na tainga. Ilang tainga sa sahig ang nakasagap
      sa kaniyang tinig. Ilang tainga naman ang nakahilig sa lupa.

      Ano’y biglang sumabog sa papawirin ang laksa-laksang palahaw.

      *

      May tainga ang lupa;
      may pakpak ang balita.

      *

      May pakpak ang balita, kaya narating nito ang ating sulok. Milya ang nilakbay tulad ng prusisyong iyon sa Ilang ng kamatayan. Para lamang silang nagbabakasyon, patungo sa lingid na paraisong hindi na nila narating. Ang plano ng mga gumawa’y paglahuin silang lahat, ikubli sa lupa, kasama ng mga sasakyan. Sablay ng krimen: walang malinis na gawa sa nagmamadali. Hindi ganap na nailibing ang kanilang panaghoy. Narinig. May tainga ang lupa.

      *

      Sa klase sa heograpiya itinuturo ang layo.

      Ngunit natutuhan ko: wala ito sa pagsasaulo

      Ng mga kabisera’t lunan. Nasa pagpopook

      Ng sarili habang minamalas, halimbawa,

      Ang abo’t tanaw. Ang naaabot ng tanaw.

      Hindi abot ng tanaw ko ang Ampatuan,

      Ang naabot lamang ay ang mukhang ito

      Na kinukunan ng larawan at ginagawaran

      Ng karampatang bilang na nasusulat sa tisa.

      Binubura ang bilang na tila may nasa sa loob

      Na burahin na rin ang mukha, burahin

      Ang buong katauhan, pati na ang bayan

      Na isinunod sa kaniyang bugtong na ngalan.

      Sa pag-alam sa aking kinalalagyan, katayuan,

      Hindi lamang ako nagtatakda ng abo’t tanaw.

      Bagkus, nagpapalawak din ng kapangyarihang

      Ilayo’t paglahuin ang mga di na dapat makita.