Essay Issue 12

   Issue # 12: July-December 2009

Allan Popa



Kung Bakit Iisa ang Kahulugan ng Umano at Diumano


      Ako rin, nagbuklat ng aklat. Naghanap ng sagot mula sa mga nasulat ng pantas tungkol sa mga karumal-dumal na nagawa ng tao sa kapwa. Sinangguni ang mga tala sa kaligiran ng Kasaysayan.

      Hindi mahirap makahanap ng matatalinong pahayag na tutugma, ng mga salitang makakaramay. Ngunit bakit tila walang sumasapat? Madaling sumipi na lang sana at umiwas sa mabigat na gawain ng pagharap at pagsasawika sa salimuot ng naganap. Mahirap tanggapin na may pananagutan ang sarili sa sariling panahon.

      Ako rin, nag-abang sa balita ng tumataas na bilang ng pinaslang. Sumubaybay sa salaysay ng pagbabakas ng mga landas na humantong sa hukay. Nakitanghod sa lalim ng hindi-mailarawan. Nilisan ng salita sa pagtunghay sa mga larawan. Nakinig sa pangangapuhap ng salita para maglarawan. Ngunit bakit tila walang sumasapat?

      Idinagdag ko rin ang sariling tinig sa salimbayan ng sigaw para sa hustisya. Minura ang pangalan ng itinuturong salarin. Tahimik na nakiramay sa mga inagawan ng mahal sa buhay. Sumang-ayon. Tumutol. Ano pa ang masasabi ko?

      *

      Hindi ako mapalagay sa pagpapangalan sa pangyayaring ito na tila isang pamagat na kahanay ng mararahas na pelikula. Patuloy kong tinututulan sa isip ang paghahalili ng napagkakasunduang bansag na tila ba malalagom sa iilang kataga ang buong puwersa nito. Madalas kasi, napapaamo ang isang bagay sa pamamagitan ng pagpapangalan. Salitang natatanggap bilang salita na lamang, hiwalay sa saysay ng tinutukoy. Napagkakaisahan ang iisang kahulugan. Nagagasgas, nawawalan ng bisa paglipas ng panahon.

      Hindi ako mapalagay sa ginawang pag-iisa-isa sa mga pinsala sa katawan ng mga biktima. Ang detalyadong paglalarawan sa paraan ng pagpaslang (kung minsan, tila may mababakas pang lugod). Ang dahas, mapanganib na maulit nang maulit sa salita hanggang makasanayan.

      Ang pangyayaring sumindak, nalalagom na sa iisang salaysay na tinatanggap ng lahat bilang katotohanan.

      Ngunit alam kong hindi ito maiiwasan. Kinailangan itong itala sa pagtunton sa katarungan. Sa prosesong ito, pumasok sa ating kamalayan ang hindi-akalain at sa ating pagsusumikap na maglarawan para maisawika ang nangyari (yari, pangyayari, makapangyayari, makapangyarihan, kapangyarihan), marahas na nitong binago ang wika.

      *

      Saan ngayon ilulugar ng makata ang kanyang sarili? Saan matatagpuan ang tula sa pangyayaring natabunan na ng maraming salita?

      Nasa siwang kaya sa pagi-pagitan ng mga dahon na ipinantakip sa mga bangkay?

      Kabilang kaya sa sinasabing mahigit isang daang salarin na may sariling mga isip at armas?

      Nakapailalim kaya sa pahayag na Gusto ko siyang kainin?

      Kahanay kaya ng mga sasakyan na kabadong binaybay ang daang hinawan ng mga banta?

      Nasa rekorder kaya na patuloy na umikot sa pagkakabaon sa lupa?

      Tila nasabi na ang lahat ngunit nananatili ang maraming puwang na maaaring pagsikapang guni-gunihin hindi para mapunan kundi para mapanatiling ilahas sa ating mga pagtitiyak at katiyakan. Para humulagpos sa paglalagom. Para mapanatiling buhay ang pagpapakahulugan sa pangyayaring inakala nating alam na alam na natin. Para mapanatili sa kasalukuyan.

      *

      Ilang ulit kong tinangkang simulan ang sanaysay na ito. Makailang ulit akong nabigo na ipagpatuloy dahil sa pangamba na hindi angkop ang aking dulog. Naisip ko, nangangailangan ng buong ingat na artikulasyon ang pangyayaring ito. Ngunit alam kong may bisa rin ang magpadalos-dalos, ang magpadala sa silakbo ng damdamin para maipahayag nang buong puwersa ang dapat marinig.

      Ang pagsasaalang-alang ba sa kasiningan ng pahayag ng pakikisangkot ay pahayag din ng pagkakatiwalag?

      Sa pagkakataong ito, nararapat pa bang pag-ibahin ang masining at hindi masining?

      Ano nga ba ang sining?

      Sadyang nakakabalaho ang labis na pagtatanong. Ngunit kailangang magtanong. Sa bawat katiyakan ng pahayag ng ating pagtuligsa, mayroon kayang nakapaloob na tanong na walang tiyak na kasagutan?

      Ang tanong na lumilitis sa iba ay maitatanong din kaya sa sarili?

      *

      Wala ako roon. Marami sa atin ang malayo sa pangyayari. Matagal nang nailayo at patuloy pa ang ating paglayo. Ngunit sa layong ito na aking kaligtasan, natinag ako. Naantig dahil kabahagi, hindi man kabilang, sa mga nasawi.

      Ang pagtatangkang mapalitaw ang mga puwang sa naganap sa pamamagitan ng pagtula, ang pagpapairal ng mga tanong na siyang lunan ng imahinasyon, ang paglalandas ng panulat sa hindi matitiyak ay paraan ng paglapit. Isang walang-hanggang paglapit sa hindi mababalikan, sa hindi maibabalik, sa hindi mararating. Sa ganitong paraan, maaaring maipagpatuloy ang pagpapakahulugan. Mapapairal sa pahina ang hustisya ng paggalang sa hindi ganap na mapanghahawakan o makakamtan.

      Alam kong hindi ito sasapat. Lagi lamang itong patungo, laging huli sa balita.