Sa Labas ng Silid
Nakahimpil siya sa sahig sa tabi ng rehas na nilalampasan
ng tingin upang matanaw ang nakasabit na obra,
isang magandang dilag na kanyang tinitingala
tulad ng pagtingala sa langit ng mga nakadaop-palad na santo,
ang kurba ng balikat ang marahang laylay ng buhok sa pisngi
ang mga matang wala sa pagi-pagitan ng bakal, tinititingala niya ito
sa liwanag at agaw-dilim at sinisigawan niya ang mga pundidong bumbilya
tuwing gabi ang hindi niya matanaw na mga kandilang
hindi gamit, sinisigawan ang espasyong pumapagitan sa mga talang
wala rito at hinihintay na muling tingalain ang unang silahis
sa obrang naaabot lamang ng tanaw upang makita muli
kung paano ang maging malaya, maging diyos.