Mag-ingat, paalala ni inang. Maninigas
ang kalamnan kapag nasugatan. Sa ligid
ng mga bitak-bitak na lapida, ang mga buto.
Sininop namin ang kandila sa mga nilisang
puntod. Dinarang sa apoy sa paanan ng nitso
ng lolo. Tuwang-tuwa sa pagpatak ng luha
ng kandila. Sa lamlam ng buwan, kakaiba
ang halina nang pumuslit kami sa imbakan
ng mga buto. Kumpulan ang mga tao nang
hawiin ang takip sa parisukat na balon—
malalim ang mga matang tumitig, nakangisi
ang mapuputing ngipin. Mga labing inahon
mula sa mga nitsong nilimot ng mga kaanak.
Sisilaban, sisilaban ang mga buto’t bungo.
Pagbalik sa puntod, hinarap ko ang aandap-
andap na mga kandila. ‘Lo, madarama mo
kaya ang apoy na lalamon sa ‘yong buto?
Wala akong tinag sa naglalagablab na apoy:
Nababanat ang himaymay na sinasalab habang
tumatagas ang pawis sa malamig na simoy.