Isang kilos o karanasan ang salitang pagtawid na maaaring singkahulugan ng mga salitang pagtugpa, pagtahak, paglandas, pagdaan, paglakbay, at iba pang kauri. Sa antas ng wika, dahil isang pandiwang makangalan (gerund), ipinahahayag nito ang “kairalan” (state of being) at inihihimaton din sa isang banda ang kilos bilang naganap na. Pakiramdam ko, ganito sa kalahatan ang proseso ng paglikha ng tula—isang karanasang naganap na kaya mayroon akong sampirasong ideya o alaala nito kahit paano ngunit isang karanasang kaalinsabay ring nagaganap (nasa “kairalan”) kaya wala akong ganap na pagkaunawa rito o malinaw na bisyon sa kahahantungan ng tula maliban sa mga isinisiwalat sa akin sa bawat yugto ng paglikha.
Parang ang pamagat ng ikaapat at pinakahuli kong aklat ng tula na inilathala ng High Chair noong Agosto 2008. Sa pagpili ng parang, sabayan kong ginamit ang dalawang pangunahing kahulugan nito: una, malawak na lupain o bukid na karaniwang tiwangwang at tinutubuan ng makapal na damo at ikalawa, bilang pang-abay o pang-ukol na tila. Ginamit ko ang parang bilang sentral na talinghaga at imahen sa aking aklat at ngayon ay isusudlong ko bilang lunsaran at lunan ng pagbubulay-bulay sa masalimuot at mahiwagang pamamaraan ng pagtula mangyaring ito ang pinakasariwa pa sa aking diwa bagama’t anumang sasabihin ko rito ay kinakailangang imbentuhin kong muli. Sa ibang salita, isang pagtatahi ng kasinungalingan.
Isa pa, sa wari ko ay angkop ang parang bilang talinghaga ng heograpiyang patuloy na nilalandas ng makata. Isang asul-abuhin o asul-luntiang imahen ng parang na salat sa iba pang imahen. Nakatayo ang makata sa pagitan ng langit at lupain, kapuwa dinadaluyan ng oras at espasyo at dumadaloy rito, kinakailangang likhain niya ang kaligiran at mga katauhang maaaring makapagpanatili sa kaniyang paglalakbay. Dahil ang makata ay nabubuhay sa tula.
...
Download complete essay