Reviews Issue 10

   Issue # 10: July-December 2008

Mesándel Virtusio Arguelles



Pag-imbay sa Awit: Sandali ni Rofel G. Brion


      “Ano ba ang sandali kung hindi ‘wala,’ mga hungkag na sisidlan, na kung hindi mo pupunan ay mananatiling wala,” wika ni Rofel G. Brion sa isang panayam. Sa kaniyang pahayag, hindi lamang binibigyang kahulugan ni Brion ang sandali kundi ipinahihiwatig din niya ang gawain ng makata—ang pagpuno sa nabanggit na sisidlan. Testamento ng kaniyang sigasig sa gawaing ito ang Sandali, ang kaniyang ikatlong aklat ng tula na inilathala noong 2006 ng Office of Research and Publications (ORP) ng Ateneo de Manila University at naglalaman ng 77 bago at 23 piling tula na galing sa kaniyang iba pang aklat na Story (UP Press, 1997) at Baka Sakali (ORP, 1989).

      Isang yunit ng oras, tumutukoy ang sandali sa maikling panahon. Bilang ‘hungkag na sisidlan,’ kung susundan ang depenisyon ni Brion, ang sandali ay may konotasyon ng “espasyo.” Kung ikakawing sa tula, ang espasyong ito ay maaaring isang lunan o para kay Jorie Graham, “a sense of a place”—isang pakiwari ng lunan. Mahalaga itong pakiwari ng lunan dahil, ayon kay Graham, ito ang “a stage upon which the urgent act of mind of [a] particular lyric occasion (be it memory, description, meditation, fractured recollection of self, or even further disintegration of self under the pressure of history, for example) “takes place.”” Maituturing na sa entabladong ito nakatanghal at nagtatanghal ang mga bagong tula ni Brion.

      Alaala at imahen: dalawa ito sa pangunahing itinutula ni Brion at mababalikan mula sa naunang mga aklat na kinakatawan ng mga piling tula. Gayunman, sa pinakamahuhusay na tula sa Sandali, ang isang alaala ay hindi basta inaalala at ang isang imahen ay hindi basta inilalarawan. Lagi’t lagi, sa oras na makatagpo ng maalam na mambabasa ang tula sa pahina, tila ito umiiral sa kasalukuyan nitong sandali, waring nagkakabuhay. Tingnan ang “Awit ng Matanda”:

                Umaawit na naman
                ang matanda sa kanto,

                hindi ko mawawaan
                ang mga kataga

                at ngayon ko lamang
                narinig ang himig

                ngunit umiimbay na ako
                at sasandali na lamang

                ay magduduweto na kami.

      Sisiyam na maiikling linya, sasabihing napakapayak ng tula. Ngunit hindi ito simple. “Umaawit na naman,” pasakalye ng tula, at hindi lamang sinisimulan ang tula kundi tila ikinumpas din ang pagsisimula ng naturang awit ng matanda na, sa pandama ko, sasaliw sa daloy ng tula hanggang sa kasukdulan. Agad ding mababatid na pang-ilang ulit na ang pag-awit (Umaawit na naman)—mahihinuhang narinig na ito ng persona sa tula sa maraming pagkakataon. Samakatwid, ang dapat sanang asahan sa persona ay pamilyaridad sa awit na iyon (maaaring isiping memoryado na niya ito), kung hindi man pananawa o pagkasuya at baka ituring pa nga niya itong “parang sirang plaka.”

      Ngunit lilihis nang kaunti sa gayong pag-aakala ang sumusunod na mga saknong: “hindi ko mawawaan / ang mga kataga // at ngayon ko lamang / narinig ang himig.” Ano’t hindi maunawaan ng persona ang liriko ng awit at bakit ngayon lamang niya narinig ang himig nito sa kabila ng kabatirang paulit-ulit ang pag-awit? Maraming posibleng paliwanag dito gaya ng halimbawa’y mahirap talagang maunawaan ang liriko o kaya naman ay hindi nag-uukol ng atensiyon dito ang persona. Ngunit ang mahalaga, sa isang tanging okasyon (sa ngayon-dito ng tula), napagtuunan niya ng sapat na pansin ang awit ng matanda at balintunang natanto ang hindi niya alam at narinig ang “himig” sa unang pagkakataon. Isa itong pambihirang pagkakatuklas, lalo pa’t hindi rito nagtatapos ang aksiyon sa tula.

      Hindi mahalaga kung ngayon lamang niya narinig ang nasabing himig. Ang mahalaga, ngayong narinig, pinukaw siya nito sa “pag-imbay” at sa pagwawakas masasambit niya ang realisasyong “sasandali na lamang // at magduduweto na kami.” Lalong mahalaga kung gayon ang pagpukaw ng awit upang maganyak na “makipagduweto” ang persona hindi man niya batid ang liriko at ngayon lamang niya narinig ang himig. At bagama’t ang “pakikipagduweto” ay mangyayari pa sa “sasandali na lamang” na hinaharap, halos may sapat namang puwersang naimpok (sa kabila ng kaiklian ng tula) upang sa wari ay maitakda ang gayong kaganapan. Gayunman, dahil timpi at timbang ang bawat salita, nananatiling nakabitin sa sandali ang tila alam nating mangyayari ngunit hindi ipinahayag.

      Tulad ng persona sa “Awit ng Matanda,” hinihikayat tayo ng mga tula sa Sandali na magbigay ng atensiyon sa mga bagay-bagay kahit ilang saglit. Sa “Kung Mananahimik Ka,” isa itong mahinahong panawagan: “Mapakikinggan mo / Sa kabila ng iyong hininga / Ang tinig ng dahong / Napipigtas sa sanga, / Inaalo ka, pinapapanatag, / Ginaganyak kang asamin / Ang tangi niyang galak.” Pokus, konsentrasyon, selan ang hinihingi sa pagbasa ng mga tula sa Sandali upang hindi malagpasan ang mumunting kibot sa mga pandama na maaaring “makapag-alo, makapagpanatag” sa damdamin at “asamin ang tanging galak” sa kabila ng pagtuklas at pagtanggap din sa karahasan at kamatayang nagaganap sa likas na daigdig: “ang pagkapigtas ng dahon sa sanga.”

      Likas na daigdig nga, at masasabing kabilang dito ang kalooban ng sarili, ang iniinugan ng mga tula sa Sandali kaya hitik sa pamilyar na mga imahen ng kalikasan: ulan, hangin, puno, hayop, ilog, ibon, ulap, at iba pa. Ang persona, ang “ako” ni Brion, ay tila isang Thoreau na kinikilala ang sarili at kalikasan, ang kalikasan ng sarili at sarili ng kalikasan. Isang solitaryong nilalang na bagama’t naglulunoy sa kaniyang kaakuhan at kaligiran ay tuwinang nasa akto ng pagtuklas sa likas na mga pangyayari kaya halos laging hati ang damdamin. Sa “Hindi Magkamayaw” aniya,

                Hindi magkamayaw ang mga ibon
                Sa labas ng aking bintana,

                Humuhuni-huni, sumisiyap-siyap,
                Paroo’t parito ang lipad.

                Hindi ko tuloy matimpla
                Ang itinitibok ng aking puso—

                Pinag-uunat ba ako’t pinahahayo
                O sinasamong sumuko?

      Sa “Dito”:

                Matindi ang haplit
                Ng araw sa aking balat,
                Malambing ang bulong
                At haplos ng hangin.

                Hindi ko mawari
                Kung panghi ng kabag
                O halimuyak ng kape
                Ang bumabati sa akin.

                Nagtatagpo ang kanina,
                Ngayon, at mamaya;
                Pinananatili ako,
                At pinahahayo.

      Sa pagsasalikop ng “kanina, ngayon, at mamaya,” sa pagsasalubong ng “pananatili at paghayo,” nagsasalimbayan ang salimuot at hidwaan ng mga damdamin at kalikasan. “Hindi matimpla ang tibok ng puso,” umiiral sa mga tula ang tambalan ng kapayapaan at karahasan, katahimikan at ingay, kasiyahan at kalungkutan. Gayunman, sa lantarang pag-iisa, kababaang loob, kapayapakan, bukas na kalooban, pananalig, at papuri sa kariktan ay mahihiwatigan ang layuning pakikipag-isa ng persona sa kalikasan (o sa Diyos) o ganap na pagsusuko ng sarili sa mas malawak na daigdig. Ang nakapagtataka ay napananatili pa rin ng tinig sa tula ang agwat sa kaniyang kaligiran, upang sa wari ay lantay at sariwang mamasdan/matitigan lamang ang isang penomenon. Ang resulta’y kadalasang makikita ang isang karaniwang tagpo na tila walang kahit anong ibinabadya gayong naipailalim dito ang mas madilim na puwersa gaya ng karahasan. Halimbawa, sa “Usbong”:

                Palakas nang palakas ang ulan,
                nalulunod na ang mga makahiyang
                kanina lamang umusbong.

      O sa “Naglaho”:

                Naglaho ang mga ibon

                Wari’y itinaboy ng alimuom
                Nang pawiin ng katanghalian
                Ang masinsing ambon.

      Ang dalawang tula, sa ibabaw, ay parehong tila obserbasyon lamang ng likas na pangyayari. Ngunit itinatanghal dito, ayon sa pagkakasunod, ang karahasan ng paglakas ng ulan upang lunurin ang kauusbong na mga makahiya at pagpawi ng tanghali sa ambon at pagtaboy ng alimuom sa mga ibon. Sa batas ng kalikasan, lagi’t laging may takdang mawala o maparam sa bawat pagdating o pagsilang. Gayunman, dahil ito ang likas, sa kabila ng lahat ng karahasan at iba’t ibang hidwaan, kinikilala ng persona na walang mali rito (“Larawan itong walang mali”) at naaayon ang lahat sa isang pambihira at mahiwagang disenyo, kaya wala rin siyang anumang paghuhusga.

      Makahulugang sandali ang patuloy na ipinaaalala ng aklat ni Brion. Malumanay ngunit buo ang kaniyang panambitan upang pagtuunan ng pansin ang kaniyang mga tula at itinutula. Kung ilalaan dito ang sapat na atensiyon sa loob ng ilang sandali, muli’t muling maririnig ang himig sa unang pagkakataon na maaaring makapagpaimbay at makapagpaawit sa atin.