Nanaginip ako ng terorista.
Pinasabog niya ang kalan namin.
Sa panaginip, wala kaming maisaing
At wala na rin kaming saingan
Nang pinasabog ng terorista ang kalan.
Sa panaginip nakabubusog sana ang kanin,
Hindi uso ang ulam, sipol, tawa lamang
Busog ka na kung hindi dahil sa teroristang
Nagpasabog ng kalan naming
De-gaas. Nagliyab nang pagkataas-taas
Kaya inakyat namin ang bai-baitang na apoy,
Hinabol, bitbit ang kalderong walang bigas,
Umaasang makapagsasaing sa huling
Hirit at sirit ng apoy. Kahit walang bigas.
Kahit walang bigas ngunit may apoy.
Sapat na ang apoy ayon sa terorista.
Sa panaginip, naisasaing ang init.
Naiuulam ang apoy. Nadedede
Ang gaas. Nalaman namin ito sa teroristang
Palakaibigan. Nagpatawag siyang Billy
(Kung “-the Kid” o “-the Goat” hindi niya sinabi).
Pasasabugin ko ang lahat ng kalan, aniyang
Humahagikgik. At nakita ko ang libong
Fountain ng apoy: de-gaas, de-shellane,
De-kuryente, de-uling. Wanted na
Ang terorista, umalis na balisa katatawa.
Bahagya ko nang hindi matawid ang crossing
Ng hindi pagkagising. Kung hindi sa tunog
Ng alarma ng umaangil kong bunso:
Malusog na malusog kasususo ng dugo.