Poetry Issue 10

   Issue # 10: July-December 2008

Miguel Paolo Celestial



Araw Gabi


      11:58

      Gumagapang ang anino sa dingding,
      gagambang ginambala ng hangin.
      Maghahatinggabi, tumutulo ang tubig
      sa lababo ng katahimikan.
      Pumapatak ang mga sandali, dumadaloy
      patungo sa di nababawing panaginip.
      Nagbubuhangin ang aking oras,
      idinidikdik ng bumibigat na kumpas,
      nag-iipon na pulbong tinitikman
      ng yumuyukong butiking tumitiktik.

      Ilang minuto, ilang araw at linggo
      ganitong napapatigil, napapatunganga
      sa dyip, opisina, almasen, at simbahan
      tulad ng pagtitig sa salaming
      walang ibinabalik? Laging may simoy
      na kumakaluskos sa mga dahon:
      sinasalat ng aking mga daliri ang mga bagay
      habang nilulusong ang kalsada
      ng tao, busina, alikabok, at etiketa.
      Ngunit sa bawat pag-uwi di mawari
      kung ano ang nadama. Laging dumadapo
      ang kutob na sa bawat umagang lumubog
      papalayo nang papalayo ang aking anino,
      ang aking kamay sa pinto.

      07:15

      Bumubusina na ang basurero. Isa-isang
      ilusot ang mga butones ng polo, higpitan
      ang relo sa pulso at kurbata sa kuwelyo.
      Hiwaan ng hati ang buhok habang hinihiwalay
      ang sariling para lamang sa trabaho. Itupi at ibulsa
      ang tinig kasama ng inalmirol na panyo.

      Ilaklak ang kape habang nilalanghap
      ang umaga sa isang buntonghininga. Wala nang
      oras umupo sa almusal. Pagsilip sa bintana,
      sumasayaw ang sinag sa dahon ng bugambilya.
      Walang bihis ang liwanag na binabati ng huni,
      walang sukat na awit ng maya. Sumasabit sa tinik
      ng bulaklak ang aking lalamunan. Paglampas
      ng tarangkahan, nakaalis na ang mga tagahakot.
      Tangay ng trak pati ang aking lakas na lumingon.

      2:06

      Sinusundan ang yapak at yabag ng dumaraang tao,
      ang nalalagas na mga salita habang sunudsunod
      na pinapatay ang sindi ng mga tindahan.
      Para akong dayong nag-aabang ng kapalaran
      sa mangilan-ngilang upuan ng kapihan, di maalala
      ang pagkakapadpad. Isinusulat sa napkin
      ang bulong ng simoy, ang hiling ng usok,
      ang pahimakas ng dahong tinangay ng humarurot.
      Kumakalansing ang inililigpit na kubyertos,
      sumasagi sa platito, sa tasang pinaglatakan
      ng kape. Lumulutang sa maulap na himpapawid
      ang mga bituin tulad ng múmo sa sabontubig.

      Namimitig ang binti ng lamesa. May pingas
      ang baso, mapait na lasang naiwan sa bibig:
      panis na pag-asang pinangako ng umaga
      pagkagising. Walang kahulugang taglay o maikukubli
      ang natitirang ilaw ng siyudad na nababasag.
      Dumarating ang agam-agam tulad ng madalang
      na sasakyan. Para akong palitadang di alam
      kung anong dumaraan, nararamdamang dumadagan.

      12:10

      Please flush the toilet after use. Properly dispose tissue
      paper in the trash bin. Turn the lights off as you leave.

      Pagtingin sa salamin, walang nakikita kundi ang laman
      ng banyo ng kapihan, ang ilaw ng bumbilyang kumikinang
      sa baldosa. Isa-isang bumabalik ang tila pinagdugtong-dugtong
      na mata, ilong, bibig. Sandaling iniwan ang opisina
      para mananghalian, nangangawit pa rin ang aking isip.
      Paglabas, kulay plema ang araw sa lalamunan
      ng tabitabing gusali. Paglingon sa kabilang lamesa,
      binugahan ng usok ng sigarilyo ang aking mukha.

      Pinaiigting ang init ng tanghali ng garalgal
      ng motor at lutóng ng malapapeles na pag-uusap.
      Napupusyaw ng ingay ng negosasyon, miting, at tsismis
      ang kulay ng kotse, kurbata, at pananamit. Abuhin
      pati ang lumiligidligid na sulyap, mapagkuwentang
      mga tingin. Hanggang dito kaharap ko pa rin ang iskrin.
      Nalalasahan ang spaghetti ng naipulupot kong dila,
      nilulunok ang naiwang lasa ng pakutkutkutkot na pananalita. Dahil
      kahit karton, goma, at plastik, wala na akong di kayang nguyain.
      Natutuhan ko na ring paliitin ang tinig at patalasin ang ngipin.

      1:46

      Sinisinat ang buwan. Pinipilit matulog ngunit ginigising
      ng ngaligkig. Nasasagi ng anino ng pusa ang taob
      na palanggana. Sinusundan ng langgam ang bakas ng bahaw
      samantalang tinutugaygay ng tubig ang maselang hita
      ng naaagnas na bakod. Nabubulabog ng kalantog
      ng pagdududa ang pagtulog ng aso. Mabalahibo
      ang alunignig. Pinupunit ng paniki ang nisnis
      na alpombrang sinusulsi muli ng kaluskos sa kalsada.
      Umuungol ang alkantarilya sa ilalim ng lupa
      habang dumaraan ang nanginginaing ulap.

      Walang paglingap ang gabi, ngunit di mahirap matisod
      ang landas papunta sa sariling dumadaloy sa ilog
      ng buwan, sumasabit sa lubid ng kuryenteng iniwan
      sa hangin ng sasakyan, tinutunton ng tulirong kulisap
      sa paligid ng liwanag. Walang laman ang baul ng dilim
      kundi ang manipis na telang hinabi ng kilos ng daigdig.

      5:45

      Naghuhumiyaw ang mga tandang. Di lang tigatlo
      ang tilaok kundi tatlong libo. Ginigising ang siyudad
      na itinatwa ang sarili magdamag. Tinig ng tila naliligaw
      na ambulansiyang di mahanap ang nasagasaan.
      Bago pumasok sa building ng opisina, tumitig sandali
      sa salamin, huminga ng sariwang hangin.
      Di inaasahang maaninaw ang larawan ng sarili nang dumaan
      sa loob ang isang mamang nakaitim. Sa labas ng mall
      matapos ang trabaho, nagisnang kinakain ng panghukay
      na makina ang lupa. Proyektong dudugtong sa almasen.

      Magaspang ang tunog ng hinahalong kongkreto.
      Tumitilapon ang graba. Sumisigabo ang dumi
      mula sa durog na dingding ng dating nakatayong gusali.
      Nagmamartilyo ang init. Nagmamadali papuntang grocery,
      napatigil nang sandaling nasilayan sa likod ng alikabok
      ang kumikinang na lamat na nagkalat sa salamin
      ng liwanag. Basag tulad ng umagang binati ng tandang,
      biyakbiyak tulad ng aking kapanatagang kinilatis
      ng walang patawad na sinag. Nagmistulang kalansay
      at buto ang nilampasang bundok ng batong panambak.
      Lumabas sa aking pandinig ang nag-ipong buhangin.

      3:59

      Nagpapalimos ang isang kamay ng orasan
      habang ang kabila’y nagmamaang-maangan.
      Nangangatog ang mga haligi ng bahay, nirarayuma
      ang mga dingding. Ngalumata ang natitirang bukás
      na bintana. Kaninang alas singko sa dyip, naghalo
      sa dalumat ang lamig ng iniwang opisina at ang usok
      ng nagbarang trapik. Takip ng aking katabi
      ang kanyang mukha. Umuwi akong may galos sa dibdib.
      Gasgas ang hininga ng hanging kumaladkad
      sa palapalaspas na dahon. Tuyo ang huni ng mga ibon.

      Gumising ako kanikanina mula sa panaginip ng nililipad
      na papeles, diyaryo, resibo, at kaha ng sigarilyong
      nagbubunton sa paanan ng muhon. Sa tabi nito ang mabigat
      at mabagal na Pasig na dumadaloy sa guniguning
      walang lagusan palabas ng lungsod. Pagbangon
      at pagpunta sa banyo, nakitang nagsilabasan ang alupihit,
      limatik, at ipis. May biyak na kawangis ng gagamba
      ang seramikong baldosa. Habang naghihilamos,
      tila may ibinubulong ang lamok sa aking tainga. Di ko
      matandaan saan nailapag ang aking susi, barya, panyo,
      at pitaka. Di mahalukay sa basurang ibinalik ng ilog ng alaala.

      12:00

      Hindi na tinalop ang katawan ng patay
      na daga sa daan. Pisampisa, tila manggang
      sumabog ang laman at naiwan na lamang
      ang mabuhok na butong dinugtungan ng buntot.
      Napagod na siguro sa kahahanap ng pintuang
      matatakasan sa laberinto ng lungsod.

      Humimpil at suminghap ng mausok
      na hanging walang alam na kaliwa o kanan.
      Tumigil sa karipas ng karera, sinagasaan.