Isang hapon nagbalik siya sa pook na iyon.
Doon binuhay ng kaniyang pag-ibig si Lazaro.
Doon siya nanangis. Ipinaghanda nila siya ng hapunan
kasama ang iba pa. Muli nagsilbi si Marta.
Samantala kumuha si Maria ng mamahaling
langis at ipinahid sa mga paa niyang mahirap
sundan ang mga yapak. Lumuhod siya
sa kaniyang harapan, inililis ang laylayan ng kasuotan
ng guro, at maingat na iniangat ang kaniyang
bawat talampakan. Ihinaplos niya ang langis
mula sa sasapnan ng sandalyas, sa bukong-bukong,
hanggang sa binti: Nadama niya wari sa kalamnan
ang pagod sa kaniyang mga paglalakad nang mag-isa.
Nang hindi siya kasama. Nang kaniyang idampi
ang nakalugay niyang buhok para tuyuin ang langis
na humahalimuyak sa buong bahay, halos natiyak
na hahanapin niya ang katawan ng panginoon
hanggang pagkatapos ng takdang kamatayan.